𝐈𝐒𝐄𝐋𝐂𝐎 𝐈, 𝐍𝐀𝐆𝐏𝐀𝐋𝐈𝐖𝐀𝐍𝐀𝐆 𝐊𝐀𝐔𝐆𝐍𝐀𝐘 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐓𝐀𝐀𝐒 𝐒𝐀 𝐒𝐈𝐍𝐆𝐈𝐋 𝐍𝐆 𝐊𝐔𝐑𝐘𝐄𝐍𝐓𝐄 𝐍𝐆𝐀𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐁𝐔𝐖𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐇𝐔𝐍𝐘𝐎

Screenshot-76

Screenshot-76SOURCE: 92.9 Brigada News Cauayan City

Nagpaliwanag ang tanggapan ng Isabela Electric Cooperative I (Iselco I) kaugnay sa pagtaas ng singil sa kuryente o pagtaas ng power rate sa kanilang mga member consumer ngayong buwan ng Hunyo.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Engr. Roger Jose, ang area manager ng ISELCO I, ito ay matapos tumaas aniya ang charge sa power generation cost ng P1.60 kwh na halos 60% sa kabuoan ng binabayarang electric bill.

Nagkaroon aniya ng pagtaas sa singil sa power generation cost dahil sa dalawang factor, ang supply at demand.

Paliwanag niya, dahil sa mainit na temperatura na naranasan noong March, April, May at June ay tumaas ang konsumo sa kuryente.

Kaugnay nito ay dapat mataas ang supply ng kuryente para matustusan ang demand subalit nagkaroon aniya ng pagnipis ng kuryente na umabot pa sa yellow alert dahil sa pag-shutdown ng ilang planta scheduled man o unscheduled na nakaapekto sa supply sa Luzon grid.

Aniya, hindi lang ang ISELCO I ang naapektuhan nito kundi lahat ng electric cooperatives sa bansa at private distribution facilities.

Nilinaw din ni Engr. Jose na ang singil ng power generator sa kooperatiba ay ito rin ang sinisingil sa mga member consumer na ibinabayad din naman nila sa power generator.

Sinabi rin niya na maraming mga nagtutungo sa kanilang tanggapan na member consumer na nagtatanong kung bakit may pagtaas sa kanilang electric bill kung saan pinapaliwanagan naman nila ang mga ito.

Ayon kay Engr. Jose, bago mag-umpisa ang reading ngayong buwan ng Hunyo ay nauna na silang nagpaabiso kaugnay sa pagtaas ng power rate sa pamamagitan ng kanilang facebook page at nagsagawa ng information dissemination upang hindi mabigla ang mga konsyumer.

Gayunman, tila marami aniyang hindi nakatanggap ng paabiso kung kaya’t hinikayat niya ang mga member consumer na magtungo lamang sa kanilang tanggapan kung may mga katanungan pa tungkol sa pagtaas ng taripa ng kuryente ngayong buwan ng Hunyo.

Sa ngayon aniya ay nasa yellow alert pa rin ang supply ng kuryente at umaasa siya na sa pagpasok ng rainy season, ang demand ng kuryente ay mababawasan at maging stable ang supply upang bumaba ang power rate sa susunod na buwan.

Pinayuhan din niya ang publiko na gawin ang energy conservation o pagtitipid sa kuyente at ang energy efficiency o pagpili ng tamang appliances na akma sa space o lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *