Sinabi ni Albay Governor Edcel “Grex” Lagman noong Sabado na humigit-kumulang 3,000 pamilya ang inilikas matapos itaas ang Alert Level 3 dahil sa aktibidad ng bulkan ng Mayon.
Sa panayam ng Viva Pinas News Online, sinabi ni Lagman na nagsimula ang paglikas dalawang araw na ang nakararaan matapos magpakita ng senyales ng pag-putok ang Mayon.
“Mayroon tayong 3,000 na pamilya na lumikas sa Albay sa mga apektadong LGU… Baka umabot pa ng 8,000 pamilya [ang kailangang ilikas], kapag itinaas pa ang alert level from 3 to 4… Kapag tumaas ang alert level, din ang radius ng kailangang ilikas,” ani Lagman.
Samantala, hindi inaasahan ng mga lokal na opisyal na makakauwi ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan.
“Ang ginagawa natin ngayon ay pag-synchronize ng ating pagsisikap, para walang redundancies at walang overlapse,” ani DSWD Sec. Rex Gatchalian, na nasa Albay upang talakayin ang sitwasyon sa mga lokal na opisyal.
Dagdag pa ni Gatchalian, posibleng pumunta sa Albay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Hinimok ni Marcos noong Sabado ang mga lokal na sundin ang mga tagubilin ng lokal na pamahalaan sa mga paglikas, at idinagdag na ang mga pondo at food packs ay naka-standby na para sa mga maaapektuhan ng kaguluhan ng Mayon.
Ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) noong Sabado ay naglabas ng mga bagong larawan ng summit ng bulkang Mayon, kung saan makikita ang isang bagong lava dome.
Iniulat din ng PHIVOLCS ang isang volcanic earthquake at 59 rockfall events sa nakalipas na 24 na oras.
“Kailangang mas magiging involved at ating mga pulis, ang armed forces upang tiyakin na hindi babalik [yung mga evacuees]. Kaligtasan po ang pinaka importante dito,” dagdag ni Lagman.