MANILA, Philippines — Nilinaw ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo nitong Linggo na ang lokal na pamahalaan ng Banaue, Ifugao ang nagutos na pagsamahin ang mga relief items na ipinadala ng non-government organization (NGO) Angat Buhay at ang mga ipinadala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga komunidad na apektado ng flash flood at mudslides.
Ang tinutukoy ni Tulfo ay isang larawan na nai-post online ng Angat Buhay organization ni dating Vice President Leni Robredo na nagpakita ng mga relief items ng NGO sa tabi ng mga kahon ng relief goods mula sa DSWD — ang mga larawan ay kredito sa isang volunteer group.
Paliwanag ni Tulfo, hindi maaaring ipamahagi ng DSWD ang mga relief items sa pamamagitan ng NGOs dahil labag ito sa batas.
“Derecho po ang aming tulong sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga LGUs,” sinabi ng DSWD chief sa kanilang facebook page.
Ayon kay Tulfo, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang lokal na pamahalaan ng Banaue, Ifugao ang pinagsama ang mga relief items ng Angat Buhay at ang mga ipinadala ng DSWD bago ang pagkuha ng larawan.
“Tila isinama daw ng lokal na pamahalaan ang donasyon ng Angat Buhay (nakasakay sa pick-up truck) sa mga food packs ng DSWD sa iisang warehouse ng LGU at kinuha ng litrato,” ani Tulfo.