SOURCE: PEP
Dalawampu’t walong taon na ang nakalipas mula nang maganap ang pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ng pagbibigay-parangal sa Philippine movie industry.
Ito ay ang Manila Film Festival (MFF) 1994 scandal, na tinagurian ding Manila Film Fest Fiasco.
Nang mga panahong iyon, ang MFF ay bahagi ng taunang selebrasyon ng Araw ng Maynila tuwing June 24.
Bagamat nangyari ang MFF scandal noong June 22, 1994—o dalawang araw bago ang Manila Day—ito ang unang naaalala ng publiko tuwing sumasapit ang Araw ng Maynila noong dekada ’90.
Sa panahong wala pang social media, ilang linggong matiyaga itong sinubaybayan ng mga Pilipino sa diyaryo, telebisyon, at radyo para sa updates.
Pinagpiyestahan ng publiko ang sanga-sanga at mala-teleseryeng kuwento ng mga bida sa eskandalo.
Karamihan sa kanila, kabilang sa pinakamalalaking pangalan sa showbiz nang mga panahong iyon.
Ang ugat ng eskandalo: pineke ang panalo ng nag-uwi ng Best Actor at Best Actress trophies ng gabing iyon.
BEST ACTOR AND BEST ACTRESS
Nagsimula ang lahat nang, sa Gabi ng Parangal, binasa ng aktres na si Ruffa Gutierrez ang pangalan ng nanalong Best Actor.
Twenty years old lamang noon si Ruffa, at ilang buwan pa lang nakokoronahan bilang 1993 Miss World 2nd Princess.
Kasama ni Ruffa bilang presenter ang aktres na si Nanette Medved.
Magkasabay na inanunsiyo nina Ruffa at Nanette ang pagkapanalo ni Gabby Concepcion bilang Best Actor para sa pelikulang Loretta.
Si Ruffa ang leading lady ni Gabby sa Loretta.
Kasunod nito, umakyat sa entablado ang tatlong presenters ng Best Actress award.
Sila ay ang aktres na si Gretchen Barretto, si Miss Mauritius 1994 Viveka Babajee, at ang nakababatang kapatid ni Ruffa na si Rocky Gutierrez.
Gretchen Barretto, Miss Mauritius Viveka Babajee, and Rocky Gutierrez presenting the Best Actress award.
Katatapos lang noon ganapin sa Pilipinas ang 1994 Miss Universe, kung saan kandidata si Viveka.
Malapit na kaibigan ng Mauritian beauty queen si Ruffa.
Sa katunayan, sa report ng Washington Post, na may petsang July 17, 1994, tinawag nitong “house guest of the Gutierrez family” si Viveka.
THE INFAMOUS “TAKE IT, TAKE IT!” LINE
“And the Best Actress is…” sinadyang ibitin ni Gretchen ang iaanunsiyo para sabay nilang basahin ni Viveka ang pangalan ng nanalo.
Pero inunahan ni Viveka si Gretchen.
Sumigaw si Viveka: “Ruffa Gutierrez!”
Kita ang matinding pagkagulat sa mukha ni Gretchen.
Natigilan siya, sabay baling ng tingin sa mga judges.
Habang umaakyat sa stage si Ruffa para tanggapin ang trophy, narinig sa microphone si Viveka na nagsasabi ng “Take it, take it!”
Ang sinasabihin ni Viveka ng “Take it, take it!” ay si Rocky, na nang mga sandaling iyon ay inuutusan niyang kunin ang papel na kinasusulatan ng pangalan ng nanalong Best Actress.
Ayon sa ulat ng Chicago Tribune noong June 27, 1994, nang umalis sa event sina Gabby at Ruffa ay naglaho rin ang cue cards kung saan nakalista ang mga nanalo.
MAYOR LIM PROCLAIMED EDU AND AIKO AS WINNERS
Kaagad kumilos ang mga tauhan ng accounting firm na nag-tabulate ng mga boto.
Sinabi nila kay noon ay Manila Mayor Alfredo Lim na mali ang mga inihayag na nanalo.
Sa halip na si Gabby, ang tunay na Best Actor winner ay si Edu Manzano, para sa pelikulang Zacarias.
Si Aiko Melendez naman ang nanalong Best Actress para sa Maalaala Mo Kaya The Movie. Hindi si Ruffa.
Umakyat sa stage si Mayor Lim at sinabing nagkaroon ng dayaan.
Nang mga sandaling iyon, nakaalis na sina Gabby, Ruffa, Nanette, Viveka, at Rocky.
Tapos na rin ang live TV coverage, kaya hindi na napanood ng publiko ang sumunod na mga nangyari.
Si Mayor Lim ang nagproklama kina Edu at Aiko bilang mga totoong nanalo.
Iniutos ng alkalde na isauli nina Gabby at Ruffa ang MFF trophies sa Office of the Mayor sa June 27, 1994.
Inatasan din ni Mayor Lim ang Manila City Council na agarang magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring dayaan.
THE PROBE
Bumuo si Mayor Lim ng fact-finding committee para imbestigahan ang MFF scandal.
Limang konsehal ang miyembro ng komite, na pinamunuan ni noon ay Manila Vice Mayor Lito Atienza.
Personal na isinauli ni Ruffa ang Best Actress trophy sa tanggapan ni Mayor Lim.
Kasama ng actress-beauty queen ang kanyang mga magulang, ang veteran actors na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama.
Tahimik at kalmado noong una si Ruffa.
Pero bigla siyang nag-iiyak nang tinangka siyang lapitan ng galit na galit na mga tao, ayon sa Washington Post report.
Ang Best Actor trophy na kinuha ni Gabby ay isinauli naman ng kanyang manager na si Lolit Solis.
GRETCHEN: THE WHISTLEBLOWER
Sa isang presscon noong June 25, ibinunyag ni Gretchen na sina Lolit at Annabelle ang nasa likod ng dayaan, iniulat ng Chicago Tribune.
Si Lolit noon ang manager, hindi lamang ni Gabby, kundi pati ni Nanette, na kasamang nag-present ni Ruffa ng Best Actor award.
Si Annabelle naman ang tumatayong manager ng anak na si Ruffa.
Dagdag pa ni Gretchen, pinangakuan daw siya ni Lolit na papapanaluning Best Actress sa susunod na awards ceremony.
Iyon ay kung tatawagin niya ang pangalan ni Ruffa bilang Best Actress.
Pero tumanggi raw si Gretchen.
Kapwa naman mariing itinanggi nina Lolit at Annabelle ang akusasyon ni Gretchen.
THE “FILMFEST SEVEN”
Kalaunan, pinakasuhan ni Mayor Lim ng fraud at obstruction of justice ang tinaguriang “Filmfest Seven,” ayon sa report ng Associated Press (AP), na may petsang June 30, 1994.
Ang pitong kinasuhan ay sina Lolit, Ruffa, Gabby, Annabelle, Nanette, Viveka, at Rocky.
Sinabi noon ni Mayor Lim—na dating National Bureau of Investigation (NBI) director—na nagsabwatan ang pito upang papanalunin sina Gabby at Ruffa sa MFF.
Ito, ayon sa alkalde, ay batay sa resulta ng imbestigasyon ng fact-finding committee ni Vice Mayor Atienza.
Si Atty. Rene Cayetano ang legal adviser noon ni Mayor Lim.
Si Atty. Cayetano ang ama nina incumbent Senator Pia Cayetano, House Speaker Alan Peter Cayetano, at Taguig City Mayor Lino Cayetano.
Pumanaw si Atty. Cayetano noong 2003.
LOLIT ADMITS TO BEING THE “MASTERMIND”
Bukod sa sinampahan ng reklamo, nais din ng komite ni Vice Mayor Atienza na ipa-deport si Viveka.
Pero hindi na ito nangyari.
Apat na araw makaraang sumambulat ang kontrobersiya, umalis papuntang Hong Kong ang beauty queen.
Kasunod nito, parehong tumiwalag sina Gabby at Nanette sa pamamahala ni Lolit.
Direkta ring itinuro ni Gabby si Lolit bilang utak sa pagpapanalo sa kanila ni Ruffa sa 1994 MFF scam.
Sa huli, inamin ni Lolit na siya ang “mastermind” ng scandal.
Nagawa lang daw niya iyon para mapasaya ang talent niyang si Gabby.
Sa sobrang pagmamahal daw ni Lolit kay Gabby, itinuring na niyang anak ang aktor.
Inako ni Lolit ang lahat ng pagkakamali, at humingi ng kapatawaran sa publiko.
Nag-plead siya ng guilty sa korte, at nahatulan sa ilalim ng probationary law.
Hindi nakulong si Lolit, ngunit isinailalim siya sa court supervision.
Nang sumunod na mga taon, napawalang-sala ang anim pang akusado sa scandal.
Sa pasya ng korte sa kaso ni Ruffa noong 2002, bigo ang prosecution na kontrahin ang demurrer to evidence na inihain ng mga abogado ng actress-beauty queen, iniulat ng The Philippine Star.
Ang demurrer to evidence ay isang mosyon para ibasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Nang mga panahong iyon, ilang taon nang wala sa Pilipinas si Gabby.
Pinili ng aktor na manirahan sa California sa Amerika pagkatapos ng eskandalo.
MOVING FORWARD TO 2022
GABBY: March 2008 nang bumalik sa Pilipinas si Gabby.
Sumabak siyang muli sa pag-arte, bagamat iba na ang manager niya.
Sa kasalukuyan, nakagawa na ng ilang teleserye si Gabby, 55, sa GMA-7.
Hindi pa sigurado kung matutuloy ang susunod niyang gagawin sa Kapuso network, katambal si Marian Rivera.
RUFFA: Pagkatapos ng kontrobersiya, nagpatuloy sa pag-arte si Ruffa, na ngayon ay 48 anyos na.
Sumabak din siya sa hosting habang inaalagaan ang dalawa niyang anak na babae.
Sina Lorin at Venice ay anak ni Ruffa sa dating asawa, ang Turkish businessman na si Yilmaz Bektas.
Napapanood ngayon si Ruffa sa seryeng Love Thy Woman, na ipinalalabas sa Kapamilya Channel.
Incidentally, ang kaarawan ni Ruffa ay June 24, ang Araw ng Maynila.
EDU: Apat na taon matapos ng scandal, nahalal na vice mayor ng Makati City si Edu para sa mga taong 1998-2001.
Limang taon din niyang pinamunuan ang Optical Media Board (OMB), mula 2004 hanggang 2009.
Nang magbalik-showbiz, tinutukan ni Edu, 64, ang pagho-host ng game shows.
Napanood din siya sa top-rating ABS-CBN primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano hanggang 2019.
AIKO: Taong 2001 nang nahalal na konsehal ng Quezon City 2nd District si Aiko.
Single parent siya sa dalawang anak na sina Andre at Marthena.
Anak niya si Andre sa dating asawang si Jomari Yllana.
Na-annul din siya sa ama ni Marthena na si Martin Jickain.
ktibo si Aiko, 44, sa paggawa ng teleserye sa parehong network, ang ABS-CBN at GMA-7.
Kabilang siya sa Kapuso teleseryeng Prima Donnas, bagamat hindi pa ito nagre-resume ng taping dahil sa enforced quarantine.
ANNABELLE: May mga mina-manage pa ring talents si Annabelle, 67, at karamihan sa mga ito ay miyembro ng Gutierrez clan.
Nagbida si Annabelle at ang anak niyang si Ruffa sa 2008 movie na My Monster Mom.
May cameo role din siya sa Metro Manila Film Festival 2019 entry na The Mall, The Merrier.
ROCKY: Napanood si Rocky sa ilang teleserye simula 2008 hanggang 2012.
Kabilang sa mga ginawa niyang TV projects ang Codename: Asero, The Sisters, at Makapiling Kang Muli.
Kasama rin si Rocky sa cast ng pelikulang Patient X, na pinagbidahan ng kapatid niyang si Richard Gutierrez.
Sa ngayon, hindi na aktibo sa showbiz si Rocky, na may sarili nang pamilya.
NANETTE: Taong 2002 nang lisanin ni Nanette ang showbiz at tinutukan ang personal na buhay kasama ang negosyanteng si Chris Po, ang kasalukuyang CEO at chairman ng Century Pacific Food.
Kasal na sina Nanette at Chris at may dalawang anak.
Si Nanette, 49, ang founder at director ng consumer goods company na Generation Hope.
Ang kinikita ng Generation Hope ay napupunta sa sarili niyang non-profit organization na Friends of Hope.
Nakatutok ang Friends of Hope sa pagpapatayo ng classrooms sa mga pampublikong eskuwelahan.
VIVEKA: June 25, 2010 nang mapaulat ang pagkamatay ni Viveka, sa edad na 37.
Natagpuan siyang nakabigti sa loob ng kanyang apartment sa Mumbai, India.
Ayon sa media reports, depressed si Viveka matapos silang maghiwalay ng kanyang Indian boyfriend.
LOLIT: Nagpatuloy sa pagma-manage ng talents si Lolit.
Kasabay nito, nag-host siya ng mga showbiz-oriented talk shows at naging entertainment columnist sa pahayagan.
Sa nakalipas na mga taon, binabalik-balikan pa rin ni Lolit ang mga aral na natutuhan niya sa 1994 MFF scandal.
Sa isang Instagram post noong June 21, 2017, sinabi ni Lolit na hindi niya nalilimutan ang kontrobersiya tuwing sumasapit ang Araw ng Maynila.
“For life pagsisisihan ko ang nagawa ko at never kong forget that night,” bahagi ng post ni Lolit.
Nabanggit din ng kolumnista na darating ang araw na “sasabihin ko lahat ang katotohanan sa nangyaring scam.”
Hindi raw ito para linisin ang kanyang pangalan, “kundi para na rin wala iyong bigat sa dibdib ko.”
https://www.instagram.com/p/BVmCrh2D5UC/?utm_source=ig_web_copy_link
Tinatayang ang ibig sabihin ni Lolit ay babanggitin na niya ang pangalan ng mga kasamahan niya sa pagpaplano ng MFF scam.
Nang sumunod na taon, November 20, 2018, muling inalala ni Lolit ang MFF scandal sa isang Instagram post.
Tinawag niyang “nightmare” at “biggest lesson of my life” ang nabanggit na kontrobersiya.
Sa mahabang panahon, galit ang taumbayan kay Lolit, at samut-saring negatibong drawing ng kanyang mukha at pag-violate sa litrato niya ang kumalat.
“Pero sabi nga for every stumble, you stand up taller, stronger.
“Minsan masarap din lingunin iyon mga bagay sa buhay mo nagbigay aral sa iyo,” mababasa sa post ni Lolit.
https://www.instagram.com/p/BqYa9k5HzRm/?utm_source=ig_web_copy_link