MANILA, Philippines – Pumanaw si Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla noong Biyernes ng umaga, Mayo 5, dahil sa atake sa puso. Siya ay 78.
Ang balitang ito ay kinumpirma ng mga anak ni Padilla at Dr. Anthony Cortez, ang provincial health officer.
Sa pamamagitan ng isang resolusyon, nagbigay pugay ang Liga ng mga Lalawigan ng Pilipinas sa opisyal ng publiko.
Inilarawan ng liga si Padilla, na kasalukuyang naglilingkod sa kanyang ikatlo at huling termino bilang punong ehekutibo ng probinsiya bilang isang “paragon ng serbisyo publiko” at “walang pagod at determinado sa paglilingkod sa ating mga tao nang walang takot o pabor.”
Bilang isang gobernador, nanindigan si Padilla laban sa malawakang pagmimina sa kanyang lalawigan. Noong 2016, kinondena niya ang Australian mining company na OceanaGold Philippines Incorporated.
Sinimulan ni Padilla ang kanyang karera sa pulitika noong 1975 nang maglingkod siya bilang alkalde ng noon ay hindi nahahati na munisipalidad ng Dupax, Nueva Vizcaya. Ang lumang bayan ng Dupax ay nahati sa tatlo na ang Dupax del Norte, Dupax del Sur at Alfonso Castañeda.
Noong 1978, kabilang siya sa walong Assemblymen na inihalal na kumatawan sa Lambak ng Cagayan sa Pansamantalang Batasang Pambansa. Sa ilalim ng ibinalik na Kongreso noong 1987, nahalal din siyang kumatawan sa Nueva Vizcaya.
Sa kanyang panunungkulan bilang mambabatas, inakda niya ang landmark law na Free High School Act of 1988 na nagsisiguro ng libreng high school education para sa bawat Filipino, at RA 6728, na nagbibigay ng iba’t ibang anyo ng tulong ng gobyerno sa mga estudyante at guro sa pribadong edukasyon, bukod sa iba pa.