Nitong mga nakaraang linggo, nakasama natin sa ilang pagpupulong ang mga researchers, analysts, propesor, at iba pang eksperto sa ekonomiya. Gaya ng napakarami sa atin, nababahala din sila. Humaharap ako sa inyo ngayon para ibahagi ang kanilang mga insight at rekomendasyon kung papaano natin maiaahon ang bansa sa kasalukuyang paghihirap, at para na rin ihayag ang implikasyon nito para sa ating lahat.
Malinaw ang epekto ng pandemya. Halos natigil ang daloy ng tao, produkto, at serbisyo. Bumagal ang pasok ng mga sangkap para sa produksyon, at bumagsak ang demand para sa mga produkto. Buong mundo, dumadaan dito, kaya pati exports at remittances, apektado.
Marami nang nagsarang negosyo; marami nang nawalan ng trabaho.Sa mga pagpupulong na dinaluhan natin, isang tema ang paulit-ulit na nababanggit: Kumpiyansa. Kumpiyansa ang konseptong nagtatahi sa pandemya at sa mga epektong pang-ekonomiya nito. Nagtitipid ang lahat; umiiwas tayong lumabas para kumain, mamili, o mamasyal dahil hindi natin alam kung hanggang kailan magiging ganito ang situwasyon.
Nagdadalawang-isip magbukas ang mga negosyo, dahil wala silang kumpiyansang kikita sila dahil numipis ang mga kliyente, bukod pa sa pangambang mahawa ang mga empleyado nila. May mga naglakas-loob na magbukas, pero bumaba lang din ang kumpiyansa nang makitang halos walang customer ang mga negosyo nila.
Halos walang bagong nag-iinvest, nag-eexpand ng operasyon, o gustong magtaya, dahil sa malalim na uncertainty na dala ng pandemya. Takot ding gumastos tulad ng dati kahit ang mga may trabaho, dahil baka bukas-makalawa, mapilitang maglay-off ang mga pinapasukan nila.Sa harap ng lahat ng ito, exponential ang pagtaas ng mga kaso—ilang linggo nang halos tatlong libo hanggang mahigit anim na libo kada araw ang new confirmed cases.
Hindi maikakaila: Habang tumatagal, lalo pang lumalala ang situwasyon.Walang ibang kayang mag-abot ng salbabida sa ekonomiya ngayon kundi ang gobyerno; gobyerno lang ang may pondo at makinarya para magparating ng sapat at ibayong saklolo. Hindi sapat ang mga probisyong nakatala at perang inilaan sa Bayanihan 2.
Government must spend more, spend efficiently, and spend quickly, with the utmost sense of urgency, as if our economic survival depends on it—because it does. And yet, heto tayo, nakasandal pa rin sa isang pre-COVID budget.Hindi dapat naiipit ang diskursong pang-ekonomiya sa usapin ng lockdown o no lockdown.
Kahit pa ipilit nating magbukas ang mga negosyo; kahit pa sumuong ang mga empleyado sa panganib—hindi pa rin dadaloy nang husto ang enerhiyang ekonomiko, dahil lahat tayo, nangangambang magkasakit, nangangambang mabaon sa utang o mawalan ng pagkakakitaan, nangangamba para sa kinabukasan natin at ng ating mga pamilya.Pangunahin sa mga rekomendasyong pang-ekonomiya—gaya ng naidiin ko na sa ibang mga pahayag—ang paglalatag ng masinsin, mabilis, at malinaw na mga hakbang para tugunan ang pandemya. Idinidiin ko: Hindi magkatunggali ang mga suliranin ng kalusugan at ekonomiya. Address the pandemic, and we set in motion the gears of the economy.
Kabilang sa mga mungkahi natin ukol dito: Ibayong tulong at pagpapahalaga sa medical frontliners, pati na sa mga ospital; at ang pagpapatibay ng pambansang healthcare system. Efficient at mabilis na pagkalap ng datos, at ang pagdedesisyon batay sa datos na ito. Malawakan, mabisa, at agarang turnover ng mga COVID-19 test—sapat para makatulong sa pagbaba ng pinakahuli nating positivity rate na 10.5 percent, na malayo sa less than five percent na itinakdang standard ng World Health Organization. Indikasyon ang mataas na positivity rate na ito na bagaman kinakayang abutin ang mga naunang itinakdang testing target, kailangan pa ring ipagpatuloy ang pagpapalawak nito.
Makikita rin ito sa pagbaba ng reproduction number ng virus sa Metro Manila at karatig-probinsya mula 1.5 hanggang 1.1 matapos ang dalawang linggong MECQ. Kailangang umabot ito sa mas mababa sa 1—at kailangan ng mas agresibong mga tugon para magawa ito.Bukod pa dito: Ayon mismo sa datos ng DOH, 48 percent lang ng severe at critical cases ng COVID-19 ang naka-admit sa mga ospital sa ngayon.
Sa mga namatay, singkuwenta porsyento ang hindi man lamang na-admit sa ospital. Ibig sabihin, marami sa mga kababayan natin, nagdurusa o namamatay nang hindi man lang nakakatuntong sa ospital. Kailangang linawin at gawan ng maayos na SOP ang pag-admit ng mga COVID-19 patients sa mga pasilidad. Kailangan din ng isang sistema para hanapin ang mga may malubhang sintomas, at dalhin sila sa mga ospital para mabawasan ang mga namamatay.Pagdating sa contact tracing: Si Mayor Magalong na ang nagsabi na sa bawat confirmed COVID case, minimum na ang 37 na katao na kailangang tukuyin para malaman kung nahawa sila.
Sa ngayon, sa NCR mismo, limang tao kada confirmed case pa lang ang kaya nating i-trace, malayong-malayo sa kailangan. Isang solusyon ang paggamit ng teknolohiya para maging mas efficient at mabilis ang contact tracing. May mga mabisang tracing app na available na para dito; kailangang i-standardize ang mga ito para hindi nagkakanya-kanya ang mga LGU.Karugtong ng contact tracing ang pangalawa nating mungkahi: Dagdag pa sa paggamit ng teknolohiya, i-harmonize ang cash-for-work programs sa mga pangangailangan para sa COVID. May mahigit 15 million na katao sa Listahanan ng DSWD; maaaring i-hire ang marami sa kanila, through the LGU, para makatulong sa contact tracing. Kung magagawa ito, tataas ang kapasidad natin for contact tracing at maaampat ang pagkalat ng COVID-19.Ikatlo: Siguruhing hindi malulugmok sa kahirapan ang mga nawawalan ng trabaho; kabilang sa puwedeng gawin ukol dito ang pagbuo ng sistema para sa unemployment insurance. Maaaring makita ang balangkas nito sa batas tulad ng Unemployment Insurance Bill ni Congresswoman Stella Quimbo: Magbigay ng kahit bahagi lang ng pasahod sa mga newly unemployed, at magsagawa ng counseling, retraining, at job matching para sa kanila.Ikaapat: Kailangang i-empower ang mga negosyo na mag-shift ng mga produkto, serbisyo, o business model na nakatuon sa pagtugon sa pandemya. Halimbawa ang garment industry, na nagtatangka ngayong ibaling ang operasyon sa paggawa ng mga PPE. Dumadaing na sila dahil sa mga hirit ng pamahalaan na hindi up to standard ang mga produkto nila. Sa halip na bawalan at pulisin lang sila, bakit hindi sila i-empower para maabot ang mga standard na ito? Maglabas ng step-by-step guidelines. Iugnay na sila sa mga testing services para malaman nila ang mga requirements na dapat maabot ng produkto nila. Maganda rin kung gobyerno mismo ang magtatayo ng pasilidad na mabilis na mate-test ang mga PPE; sa halip na umasa sa medical grade testing ng ibang bansa, siguruhin na nating kaya itong gawin ng mga trained teams na Pilipino. Dagdag pa dito, maaari din silang pahiramin ng kapital para makapagpasahod ng mas maraming tao, at para makabili ng raw materials. Kung maaari, iugnay sila sa mga abot-kayang pagkukunan ng raw materials na ito. Marami ring maliliit na mananahi na kung bibigyan ng pagkakataong makilahok ay makakaambag sa pambansang produksyon ng mga PPE.Ikalima: Kailangan din ng isang malawakang programa para matulungan ang maliliit at community-based na negosyo na bumuo ng online presence. May mga bagay tulad ng pagseset-up ng online digital payment system na hindi madaling sundan para sa mga MSME. Karugtong nito, kailangan ding padaliin ang pagbubukas ng account sa bangko, at tulungan ang lahat na makapag-sign up sa mga digital modes of payment. Kung magagawa ito, mapapanatili ang daloy ng ekonomiya, habang iniiwas ang mga bumibili sa banta ng COVID-19.Ikaanim: Siguruhin ang ayuda para sa mga MSME at maliliit na negosyante. DTI na ang nagsabi: Tumigil ang operasyon ng mahigit kalahati sa mga MSME dahil sa pandemya. Katumbas ito ng tinatayang 2.6 million na kataong nawalan ng trabaho. Bukod pa sa nabanggit kong unemployment insurance system, puwede ring maglaan ng pondo para sa wage subsidies sa mga MSME na magko-commit na hindi sila magtatanggal ng mga empleyado. Dapat ding suportahan ang mga LGU para matulungan nila ang mga maliliit na negosyo, kabilang na ang suporta sa pagtatayo ng credit mitigation services, para gabayan sila sa paghahanap ng loans, paggawa ng business plan, at ayusin ang pangangasiwang pinansyal para hindi sila tuluyang magsara.Ikapito, para sa mga OFWs. Libu-libo sa kanila ang napilitang umuwi, o hindi makabalik sa trabaho, dahil sa pandemya. Dapat siguruhin ang mga reintegration at livelihood programs para sa kanila, bukod pa sa pakikipag-ugnayan ng mga embahada natin sa ibang bansa para magawan ng paraan ang pagbalik nila sa trabaho.Ikawalo. Ang susunod na kalaban matapos ang sakit: Gutom. Maiiwasan ito sa pagbabahagi ng pantawid sa COVID sa mga pinakanangangailangan. Mayroon nang Listahanan ang DSWD para matukoy sila: Kung mabibigyan ng 5,000 pesos kada buwan para sa apat na buwan ang 10 million poorest families, aabutin ito ng 200 billion pesos. Maliit na halaga ito para mailigtas sila mula sa gutom. Dalawang beses nang nakapagbigay ng ayudang pinansyal ang pambansang pamahalaan. Sang-ayon ang maraming eksperto na dapat pang maglaan ng dagdag na pondo para mai-extend ito.Ikasiyam, tungkol pa rin sa gutom: Dapat tutukan ang mga sektor na sisigurong may makakain tayo. Suportahan ang mga magsasaka, manginigisda, at ang mga livestock farmers; bantayan ang mga supply chain ng mga kinakailangang input sa pagsasaka; at madaliin ang pagtatayo ng imprastrukturang magpapataas ng kanilang kita tulad ng farm to market roads at cold storage facilities. Malinaw sa huling datos na agrikultura ang pinaka-resilient na sektor ng ating ekonomiya; kung gayon, dapat itong buhusan ng suporta dahil kakailanganin natin silang sandalan habang pinapanday ang isang better normal.Ikasampu. Malaking hamon ang pandemya, pero pagkakataon din itong tugunan ang mga matagal nang ugat ng mga problemang ekonomiko ng bansa—at isa sa pinakamahalaga dito ang income inequality. Panahon nang iangkop ang sahod ng mga empleyado sa ambag nila sa lipunan, sabay ng pagsigurong may sapat silang benepisyo, kagamitan, at suporta, na lalong kailangan ngayong panahon ng pandemya. Halimbawa na lang ang mga health workers na abot-abot ang sakripisyo sa panahong ito, at mga guro na tumatayong last line of defense para hindi na tumawid sa susunod na henerasyon ang mga epekto ng COVID-19. Mahalagang hakbang ito para magkaroon sila ng kumpiyansang sumuong sa panganib, at bigyan sila ng sense of security para sa kinabukasan.Ikalabing-isa. Marami sa mga mungkahi natin ang nangangailangan ng mas magandang digital infrastructure. Puwede itong matugunan ng mismong pamahalaan sa pagpapatayo ng mga shared cell sites sa mga lugar na mahina o walang signal. Paraan ito para sumulong sa isang better normal—mas maraming may access sa internet, mas maraming makakapasok sa mga online classes o makakalahok sa ekonomiya, at magiging mas mabisang instrumento ang teknolohiya para sa nation-building.Kailangang idiin: Kumpiyansa ang nagpapagulong ng ekonomiya. At ang totoo, kahit pa ba noong bago mag-pandemya, hindi rin maabot ng ekonomiya natin ang potensyal nito, dahil sa kakulangan ng kumpiyansa. Bagsak na ang foreign direct investments bago pa dumating ang COVID. Bumabagal din noon pa man ang paglago ng exports. Laging kapos ang paglago ng ekonomiya sa mga target na gobyerno na mismo ang nagtatakda.Kaya nga, lalo pa ngayong humaharap tayo sa pandemya, hindi nakakatulong ang mga gawaing lalong nagpapababa ng kumpiyansa. Paano ba naman magkakaroon ng kumpiyansa kung patuloy ang mga alegasyon ng korupsyon—sa mga overpriced na PPE set at ayuda, sa PhilHealth na inaasahan nating magbibigay sa atin ng sense of security sakaling magkasakit tayo. Paanong magkakaroon ng kumpiyansa kung ni hindi natin masiguro kung saan napupunta ang mga pondo? Paanong magkakakumpiyansa, kung sa tuwing magpe-presscon ang liderato, wala tayong linaw na mahinuha? Malinaw na handang sumagwan ang lahat; ang kulang na lang, ‘yung magtututok sa atin sa dapat nating kapuntahan. ‘Yung magtitimon.Hindi mahirap unawain ang sentimyento ng marami: Na para bang walang timon, walang direksyon, walang malinaw na horizon kung kailan at paano masosolusyonan ang pandemya. Na para bang aabutan lang tayo ng kaunting ayuda, tapos bahala ka na, magkulong ka na lang sa bahay at mabuhay nang nangangamba. Na sa atin pa ang sisi kapag may nahawa o namatay—tayo pa ang pasaway. Na parang wala na tayong maaasahan sa mga pinuno—o para ba mismong wala nang namumuno. Na para bang iniwan na lang tayo para intindihin ang isa’t isa. Hindi pagbabatikos ang pagbitbit ng mga sentimyentong ito: This is our reality. Karapatan at tungkulin natin to expect and demand more from our leaders. Pero nitong nakaraang limang buwan, lalong luminaw ito—na tayo-tayo na rin nga lang ang iintindi sa isa’t isa. Ito mismo ang nagbibigay ng pag-asa sa akin sa mga panahong ganito: Walang dadaig sa Pilipino pagdating sa pag-intindi sa kapwa Pilipino.Tinatawag muli tayo ng panahon: Palawakin ang saklaw ng malasakit; ituon sa kapwa ang anumang pagkilos. Asikasuhin ang isa’t isa. Unawaing magkakarugtong ang diwa nating lahat. Maraming hakbang para isakongkreto ito: Alagaan ang sariling kalusugan—dahil bawat isang mahahawa ng COVID-19 ay makakadagdag sa dalahin ng pambansang healthcare system. Tangkilikin ang mga lokal na negosyo, maging sa mga online platform o sa ating mga komunidad. Kumustahin ang kapitbahay; iabot ang makakayang tulong kung gipit na sila. Sa mga bangko at landlord, maging makatao sa pagtrato ng mga nahihirapang magbayad ng utang o upa. Mag-volunteer, ituon ang enerhiya pabalik sa mga komunidad, at hangga’t makakaya, siguruhin na hindi aabutin ng gutom ang mga nakapaligid sa ating naghihikahos sa panahong ito.Ginagawa na ng napakamarami sa atin ito, at kung nagagawa natin ito nang walang nagtitimon, isipin na lang ninyo ang kaya pa nating gawin kung mayroon. Sa New Zealand at Vietnam, bumilang sila ng maraming araw bago nagkaroon ng bagong kaso ng COVID-19. Nang matukoy na mayroon muli nito, mabilis silang kumilos, all hands on deck, para maampat ang pagkalat. Ganito ring sense of urgency ang ipinakita ng South Korea nang biglang pumalo ulit ang mga kaso doon. Noon namang ikawalo ng Agosto, ginanap sa Taiwan ang kauna-unahan nilang concert sa panahon ng COVID-19; mahigit sampung libo ang dumalo. Pinayagan ito dahil epektibo nilang nadaig ang pandemya: Dahil may malinaw na plano, mabisang mga polisiya na nakabase sa siyensiya, at mabilis na pagkilos dahil buong-buo ang tiwala nila sa pamunuan at sa isa’t isa.Kaya din natin ito; kinakaya na dapat natin ito; napakahaba ng kasaysayan natin ng tagumpay laban sa mga hamon na tulad nito. Maaaring may mga pagkakataon na nakalimutan natin kung sino tayo. Ngayon, ipinapaalala ng isa na namang hamon, at idinidiin ko, kung sino talaga ang Pilipino: Bukas at matibay ang loob. Maparaan. Laging iniintindi ang kapwa, lalo na sa panahon ng kagipitan.At kung walang mamumuno, tayo mismo ang hahakbang, tayo mismo ang magtutulungan, tayo mismo ang bibitbit sa isa’t isa. Tayo mismo ang haharap, tayo mismo ang mangunguna, gagampanan natin ang anumang tungkulin para daigin ang anumang pagsubok, sa ngalan ng ating kapwa.
Tayo mismo ang tititig sa mukha ng krisis na ito at buong-tapang na ihahayag: Maaari mo kaming mapaluhod, pero hindi kailanman mapipigilan ang paulit-ulit at taas-noo naming pagtindig. Pilipino kami. Mas malakas kami sa anumang pagsubok.Buo ang loob ko. Sa pananalig, sa paninindigan, at higit sa lahat, sa pagkakaisa, madadaig natin ang krisis na ito.Tiwala ako: kaya natin ito.