#ArawngKalayaan: Ano ang ambag ko sa bayan? Dalawang Garapong Pastillas – Anon

#ArawngKalayaan: Ano ang ambag ko sa bayan? Dalawang Garapong Pastillas – Anon

“Pastillas”

Bago pa mapansin ng media ang mga OFWs na tumambay sa ilalim ng NAIAX, sa damuhan ng tinatawag na CIRCULO DEL MUNDO, napansin na namin sila. Nagsisikisikan, nalilito, umaasa, habang humahanap ng pwesto sa ilalim ng fly-over.

Ilang araw na rin sila doon.

Tuwing umaga, papunta sa opisina, tinatanaw ko sila, kung ano na ang nangyayari sa kanila, hanggang sa mapansin na nga sila ng media sa pangunguna ng ABS-CBN.

Kaninang umaga, napansin ko, napaligiran sila ng mga MMDA habang parang may naka-set-up na booth.

Ngayong gabi, maulan at mahangin dahil sa bagyo, saglit akong huminto para mag-abot ng dalawang garapong pastillas na binenta ng kumare ko sa office bago mag-uwian.

At a distance of 5 meters, tinawag ko ang isa sa kanila…

“Ate, konti lang po to… Panghimagas lang po.,” sabay abot ng dalawang garapong pastillas…

Ngumiti naman sila Ate At Nagpasalamat…

Short talk lang kami, tinanong ko kung taga-saan sila, kumain na ba sila, saan sila nagsi-CR, may plane tickets na ba sila, saan sila tutuloy ngayong gabi, at kelan sila makakaalis…

Taga-Gen San daw sila, at katulad ng iba, umaasa sila na makasakay na ng eroplano pauwi. Yung iba daw sa kanila naghihintay ng bus papuntang Iskwelahan sa loob ng Villamor.

Karamihan sa kanila ay babae…

Naawa ako dahil kapag ihing-ihi na raw, dun na sila sa damuhan sumisimple… At kung talagang kailangang-kailangan na… Pumupunta sila sa isa sa mga buildings sa New Port City sa harap ng Terminal 3.

Sa totoo lang, busy ang mga Pulis at Coast Guard sa pagbabantay at pagmamando ng traffic dahil minu-minuto ay may dumadating na tulong galing sa mga dumadaang sasakyan… Nakakaantig ng damdamin ang eksena…

Sa isang saglit, nakalimutan ko na isa akong Dilawan at Anti, na may tampo sa mga OFWs na mga nagmumura at nagbabanta sa ating linyada…

Ang nasabi ko na lang, sa dalawang garapong pastillas na aking inabot sa isang grupo doon, kumbinsido ako na hindi ko kailangan maging Presidente o maging isang Frontliner para makatulong at alalahanin ang ating mga kababayan, anuman ang kanilang kulay-pulitika… Hindi ko na rin naman talaga naisip yun, sa totoo lang mas nabahala ako sa Pulis na papalapit sa akin na napahinto lang nang may isa sa mga babaeng tumayo at masayang nagsabing ” Salamat, Kuya.”

Ano ang ambag ko sa bayan? Yan ang madalas na tinatanong sa atin ng mga nasa kabilang panig, di ba? 😊

May sagot na ko… Dalawang garapong Pastillas…

Bukas, independence day.. Araw ng kalayaan..babalik ako sa lugar na yun, hindi isang Anti o isang Dilawan… Kundi Bilang isang Pilipino lang…

Hindi na muna ako sasama sa anumang kilos-protesta…

Dun na muna ako pupunta sa may Circulo Del Mundo, sa ilalim ng NAIAX…

Susubukan kong magdala ng puto naman

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *