Pumanaw na ang beteranang komedyante at aktres na si Matutina sa edad na 78. Kinumpirma ng kanyang anak na si Shiela Guerrero sa GMA News Online ang malungkot na balita ngayong Pebrero 14.
Ayon kay Guerrero, binawian ng buhay ang kanyang ina ngayong umaga. Batay sa inilabas na medical certificate, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay Acute Respiratory Failure dulot ng Volume Fluid Overload, na may kaugnayan sa Stage 5 Chronic Kidney Disease sanhi ng Hypertensive Nephrosclerosis. Samantala, ang Hypertensive Cardiovascular Disease ang itinuturing na pinakapinagmulan ng kanyang karamdaman.
Ipinanganak bilang Evelyn Bontogon-Guerrero noong Hulyo 10, 1946, si Matutina ay sumikat sa kanyang pagganap bilang kasambahay ni Doña Delilah G. Jones (ginampanan ni Dely Atay-Atayan) sa iconic na sitcom na John en Marsha noong dekada ’70, tampok sina Dolphy at Nida Blanca.
Nagsimula si Matutina bilang radio talent bago siya nakilala sa telebisyon. Sa isang panayam kay Julius Babao noong Setyembre 2024, ibinahagi niya na ang kanyang talento sa pagbibigay ng iba’t ibang boses sa radyo ang nagbigay-daan sa kanyang TV career. Ayon sa kanya, personal niyang pinili ang pangalang Matutina at sinadyang gawing matining ang kanyang boses upang madaling makilala.
Sa isa pang panayam kay Maricel Soriano noong Nobyembre 2024, sinabi niyang malaking bahagi ng kanyang buhay ang John en Marsha, na nagbigay sa kanya ng oportunidad upang matulungan ang kanyang pamilya.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na detalye tungkol sa kanyang burol.