Labis ang kasiyahan ng 21 anyos na si Jerome Bustarga na tubong Pili, Camarines Sur sa pagkakatanggap sa kanya ng limang unibersidad sa Estados Unidos. Ani Jerome, hinding hindi niya na pagdududahan ang kanyang kakayahan dahil sa pangyayaring ito, “Now po everything is surreal kasi napatunayan ko sa sarili ko na I am capable of doing more, that’s why sabi ko never ko na idodoubt ang sarili ko, I am accepted to 5 universities in the US”.
Magtatapos ngayong taon sa senior high school sa Arellano University si Jerome bilang class valedictorian. Dalawang taon rin siyang tumigil sa pag-aaral matapos ang kanyang junior high school sa Ateneo de Naga University. Kinailangan niya raw magparaya para makapagtapos ang kanyang kuya sa kolehiyo.
Pangalawa si Jerome sa apat na magkakapatid. Overseas Filipino Worker ang kanyang ama na isang assistant chef sa barko habang housewife naman ang kanyang nanay. Sa pribadong eskwelahan sila lahat pinag-aral kaya’t nahirapan rin ang kanilang magulang na sabay-sabay silang pag-aralin.
“To be honest medyo inggit po ako kasi some of my friends are college na pero di ako pinanghinaan ng loob, mindset ko lang is God has greater plans for me.”
Habang nakatigil sa pag-aaral ay sinimulan ni Jerome ang paghahanap ng posibleng mapasukan sa kolehiyo.
“Nag start po ako sa US college admission journey ko way back 2018, out-of-school po ako that time, one day po while I was scrolling sa facebook, I saw this suggested page which is Education USA, I visited their website tapos parang naging interesado ako. At first nag dodoubt ako kasi US po ito, never ko maimagine ang sarili ko sa US, tapos mag-aapply pa ako, pero feeling ko kasi pag hindi ako mag try, mag reregret ako. So in 2020, nag balik eskwela na ako, grade 11, I started na with my application. I applied po as test-optional meaning hindi po ako magsusubmit ng standardized test scores, so ang pinasa ko lang po is my common application (single online college application used by many US universities), college essay/personal statement, english proficiency exam (I availed yung pinaka mura na test), recommendation letters, and high school transcripts. I applied to 11 universities, and fortunate to be accepted po sa 5.”
Bata pa lamang ay pangarap na raw ni Jerome na maging isang astronaut. Madalas raw siyang makantyawan ng mga kaklase dahil imposible raw na magkatotoo ito kung kaya’t pinilit niya ang sarili na mangarap ng iba na lamang. Pero nabuhayan siya ng loob nang maitatag ang Philippine Space Agency noong 2019.
Sa limang unibersidad sa Estados Unidos kung saan siya natanggap, pinakainteresado siya sa Clarkson University kung saan pumasa siya sa kursong Aerospace Engineering. Pero hindi pa rin siya sigurado kung matutuloy ang pag-aaral sa ibang bansa dala pa rin ng pinansyal na pangangailangan.
Pero sa ngayon ay masayang masaya raw siya. “I am more than happy, I made my family proud especially si mama, she’s the very reason why I gained so much confidence, I think 75% of my confidence galing kay mama”, pagtatapos ni Jerome.