HoneyletBumisita si Bise Presidente Sara Duterte at ang kinakasama ng kanyang ama na si Honeylet Avanceña kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang detention center sa The Hague noong Martes ng hapon.
Dumating si Bise Presidente Duterte sa pasilidad bandang 1:47 p.m. (oras sa Netherlands) at sandaling kinausap ang mga tagasuporta na naghihintay sa labas, bago siya pumasok.
Makalipas ang 20 minuto, dumating din si Avanceña at pumasok sa loob ng pasilidad. Ilang sandali pa, bumalik ang isang sasakyan na sakay si Veronica Duterte, anak ng dating pangulo kay Avanceña, upang sumama sa pagbisita.
Sa bandang 3:48 p.m., nasa loob pa rin ng detention facility ang mga miyembro ng pamilya habang patuloy na naghihintay ang kanilang mga tagasuporta sa labas.
Matapos ang pagbisita, nakipag-usap si Bise Presidente Duterte sa media at sinagot ang ilang mga katanungan. Sinabi niyang hinihintay na lamang niya ang isang dokumento bago bumalik sa Pilipinas.
Samantala, sinabi rin ni Veronica Duterte, o mas kilala bilang Kitty, na inaayos ng kanilang pamilya ang biyahe ng kanyang mga kapatid na sina Paolo at Sebastian patungong Netherlands. Gayunpaman, hindi pa ito tiyak dahil abala ang dalawa sa kanilang kampanya para sa darating na halalan.
Naaresto si Rodrigo Duterte noong Marso 11 pagdating niya mula sa Hong Kong, batay sa kautusan ng International Criminal Court (ICC) bilang bahagi ng imbestigasyon sa kanyang “giyera kontra droga” na nagbunsod ng matinding kontrobersiya noong kanyang panunungkulan.
Ayon sa warrant ng ICC, bilang pangulo, ang 80-anyos na si Duterte umano ang nagbuo, nagpondo, at nag-armas sa mga death squad na responsable sa pagpatay ng mga hinihinalang gumagamit at nagtutulak ng droga.
Dinala siya sa The Hague sa Netherlands sa parehong araw ng kanyang pag-aresto.
Noong Marso 14, humarap si Duterte sa mga hukom ng ICC sa pamamagitan ng video link. Nakatakda siyang dumalo sa isang pagdinig sa Setyembre 25 upang kumpirmahin ang mga paratang laban sa kanya.