Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinalakay ni Boy Abunda ang isyu na kinasasangkutan nina Maris Racal at Anthony Jennings, kasunod ng pahayag ni Maris na inilabas noong araw ding iyon.
Sa kanyang video statement, inako ni Maris ang responsibilidad sa nangyari at ibinahagi na sinabi umano ni Anthony na single ito noong nagsisimula pa lamang ang kanilang relasyon. Dagdag pa rito, labis ang kanyang kahihiyan matapos maisiwalat ang kanilang mga pribadong usapan nang walang pahintulot.
Ayon kay Tito Boy, hindi niya maunawaan kung bakit napakalaki ng galit ng publiko kay Maris.
“Ako ang aking reaksyon ay bakit sobra ang galit natin kay Maris? Bakit sobra? Because we’re not ready, because there is no place in Philippine society for women who are aggressive, for women who make the first move, for women, for example, who say may pangangailangan ako?”
Binanggit din ni Tito Boy ang double standards pagdating sa mga isyung ganito.
“Ilagay mo ‘yung mga salitang ‘yan sa isang lalaki, iba ho ang reaksyon. ‘Wow, hot’ kasi pogi, lalaki, macho, ‘yun lamang.”
Hinikayat niya ang publiko na suriin ang kanilang mga reaksyon sa mga ganitong isyu, lalo na’t parehong public figures ang sangkot.
“I think we also have to assess the way we react to things dahil nasaan ang pagkakapantay-pantay ng mga babae at lalaki? And remember, itong conversations na ito were meant to be private, malas both are public figure.”
Pinuri naman ni Tito Boy ang pagiging totoo ng pahayag ni Maris at inamin na maaaring isa ito sa pinakamabigat na yugto sa buhay ng aktres. Gayunpaman, may bahagi sa pahayag ni Maris na kanyang pinagdudahan, partikular ang pagbanggit ng aktres tungkol sa pag-delete ng kanilang mga mensahe.
“So, to say that you didn’t have any knowledge that they were still together medyo kinu-kuwestyon ko as an audience, as a commentator. ‘Yun lamang po, but ako’y humahanga dun sa bravery ni Maris at balita ko po si Anthony Jennings is going to make a statement anytime now.”
Ang isyung ito ay nagsimula nang isiwalat ng non-showbiz ex-girlfriend ni Anthony na si Jamela Villanueva ang umano’y panloloko nito kasama si Maris. Ayon kay Jamela, pitong taon silang magkasama ni Anthony bago sila tuluyang naghiwalay, na inanunsyo lamang kamakailan.