QUEZON CITY –Matapos ang halos apat na taong legal na laban, nahatulang “guilty beyond reasonable doubt” si Janice Navida, editor ng tabloid na Pilipino Bulgar, at ang kolumnistang si Melba Llanera sa kasong libel na isinampa ni Miss Universe 2018 Catriona Gray. Kasama rin sa hatol ang pagkakakulong ni Navida sa kasong cyberlibel.
Ang desisyon ay inilabas ngayong Biyernes, Setyembre 20, 2024, sa isang pagdinig sa Quezon City Regional Trial Court na dinaluhan nina Catriona, Navida, Llanera, at kanilang mga legal na kinatawan.
Sa isang 12-pahinang resolusyon ni Acting Presiding Judge Evangeline Cabochan-Santos, ipinahayag na mapanira at puno ng malisya ang inilathalang artikulo ng Bulgar noong Hulyo 18, 2020, kung saan nagpakalat ito ng maling balita hinggil sa umano’y mga nude photos ni Gray. Ayon sa korte, malinaw na lumabag ang dalawang akusado sa mga batas na nagtatanggol sa dignidad at reputasyon ni Catriona.
Batay sa Revised Penal Code, ang parusa sa libel ay pagkakakulong mula anim (6) na buwan at isang (1) araw hanggang apat (4) na taon at dalawang (2) buwan. Samantalang ang parusa para sa cyberlibel ay anim (6) na buwan at isang (1) araw bilang minimum, hanggang limang (5) taon, limang (5) buwan, at labing-isang (11) araw bilang maximum.
Sa kabila ng hatol na pagkakakulong, walang ipinataw na multa para sa dalawang akusado.
Nag-ugat ang kaso sa isang artikulong inilathala ng Bulgar noong Hulyo 18, 2020, na may titulong “After ng bantang pasabog ni Clint… NUDE PHOTOS NI CATRIONA, KALAT NA!“—isang ulat na itinuring ni Gray at ng kanyang kampo bilang isang malisyosong paninira.