SOURCE: Bombo Radyo Cauayan
Dating Sen. Heherson Alvarez at misis, naka-intubate sa ospital matapos magpositibo sa COVID 19 CAUAYAN CITY – Humiling ng dasal ang mga anak nina dating Senador at dating DENR Secretary Heherson Alvarez at misis na si NCAA Executive Director Cecile Guidote-Alvarez na tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID 19). Ang mag-asawang Alvarez ay naka-intubate sa Manila Doctors Hospital ilang araw matapos magpositibo sa nasabing sakit. Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Hexilon Alvarez, anak ng mag-asawang Alvarez na na-admit sa ospital ang kanyang mga magulang noong gabi ng Miyerkoles ng nakaraang linggo. Nakaranas si dating Senador Alvarez ng lagnat habang ubo at pneumonia ang kanyang misis. Ayon kay Ginoong Hexilon Alvarez, hindi nila inaasahan na tatamaan ng COVID 19 ang kanilang mga magulang dahil hindi naman sila gaanong lumalabas bagamat nagkaroon sila minsan ng pulong at may nakasalamuha na dayuhan na ngayon ay Person Under Investigation (PUI). Bumaba ang oxygen level ng mag-asawang Alvarez kaya sila ay naka-intubate ngayon kaya’t humihiling ng dasal si Ginoong Alvarez para sa kanilang paggaling. Si dating Senador Heherson Alvarez ay 80 anyos habang ang kanyang misis na founder ng Philippine Educational Theatre Association (PETA) ay 76 anyos. Sinabi pa ni Ginoong Alvarez na huli niyang nakausap ang kanyang ama bago sila na-admit at hindi sila puwedeng dalawin at bantayan sa ospital. Nalalaman nila ang kalagayan ng kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng kaniyang kapatid sa mga doktor na umaasikaso sa kanila sa ospital Dating Sen. Heherson Alvarez at misis, naka-intubate sa ospital matapos magpositibo sa COVID 19