Ang Cardiologist at health advocate na si Doc Willie Ong, na tumakbo bilang bise presidente noong Eleksyon 2022, ay kasalukuyang sumasailalim sa gamutan para sa kanser. Inanunsyo ni Ong sa social media noong Sabado na natagpuan ng mga doktor ang isang 16 x 13 x 12 sentimetrong bukol (sarcoma) sa kanyang tiyan, na nakatago sa likod ng puso at harap ng kanyang gulugod.
“Ayon sa doktor, isa ito sa pinakamalaking bukol na kanilang nakita,” ani Ong sa isang video mula sa ospital noong Agosto 29, na inilabas lamang kamakailan dahil sa komplikadong proseso ng chemotherapy.
Noong Abril 2023, nakaranas siya ng hirap sa paghinga at paglunok, na inakala niyang epekto ng pagtanda. Pagsapit ng Oktubre, nakaranas na siya ng matinding pananakit ng likod na lumalala noong Agosto.
“Pinakamasakit sa buong buhay ko. 10 out of 10. Iiyak ka. Buong gabi walang tulog,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng mga pagsubok, nananatili siyang positibo. “Hindi ako malungkot. Suwerte ako, may asawa’t anak na nag-aalaga sa akin. Blessed ako.”
Sa social media, may 9.7 milyong subscribers si Ong sa YouTube at 17 milyong followers sa Facebook. Tumakbo siya bilang bise presidente noong 2022 kasama si Isko Moreno.