MANILA, Philippines — “Walang paghingi ng paumanhin, walang palusot.”
Sa harap ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa giyera kontra droga, ipinakita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kawalang pagsisisi sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Sinimulan ng Senate Blue Ribbon Subcommittee ang imbestigasyon sa giyera kontra droga noong Lunes, Oktubre 28.
“Huwag n’yong kuwestiyunin ang mga polisiya ko, dahil wala akong paghingi ng paumanhin o palusot. Ginawa ko ang dapat gawin,” pahayag ni Duterte.
Nagharap si Duterte sa ilang matitinding kritiko noong kanyang termino, kabilang sina Sen. Risa Hontiveros, human rights lawyer Chel Diokno, at dating senador Leila De Lima.
Magkaharap din sila ni De Lima, isa sa pinakamahigpit niyang kritiko, na nakulong ng pitong taon dahil sa mga kasong may kaugnayan sa droga — anim na taon nito ay sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Bagamat walang simpatiyang ipinakita si Duterte, kanyang inako ang responsibilidad.
“Ipinilit kong gawin ang makakaya ko upang harapin ang problema sa ilegal na droga nang matatag at walang kompromiso. Sa lahat ng tagumpay at kakulangan nito, ako at ako lamang ang may buong responsibilidad sa batas,” sabi ni Duterte.
“Sa lahat ng nagawa ng pulis alinsunod sa aking utos, ako ang managot. At ako ang managot, ‘wag ang pulis na sumunod sa utos ko,” dagdag niya.
Inalala rin ni Duterte na noong nagtuturo siya sa police academy sa Davao, tinuruan niya ang mga estudyanteng “shoot to kill” upang mabawasan ang mga kriminal sa lansangan.
Muling binanggit ni Duterte ang ilan sa kanyang mga retorika noong termino, tulad ng pangakong protektahan ang mamamayan mula sa masamang epekto ng ilegal na droga. Kasama niya sa Session Hall ang kanyang mga kaalyado sa Senado na sina Senador Bong Go, Bato Dela Rosa, at Robin Padilla, na nagbigay suporta sa kampanya kontra droga.
“Napag-usapan po natin ang mga biktima ng sinasabing war on drugs pero hindi po natin napag-usapan ang mga biktima ng mga durugista,” ani Padilla.
Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na madalas gumawa si Duterte ng mga pahayag na labis at kadalasang tumutukoy sa pagpatay ng mga Pilipino.
“Ngayon, tatanggapin namin ang kanyang salita,” wika ni Hontiveros.
Sinabi rin ni Hontiveros na ang imbestigasyon ay hindi lamang ukol kay Duterte kundi para sa mga biktima ng giyera kontra droga.
Ayon sa mga tala ng pamahalaan, hindi bababa sa 6,000 ang napatay sa giyera kontra droga ni Duterte, subalit ayon sa mga human rights group, maaaring umabot ito ng 30,000.