Sa likod ng bawat tagumpay ay isang kwentong hindi palaging nakikita ng lahat—isang kwentong puno ng pagsubok, determinasyon, at pagmamahal sa layunin. Habang ipinagdiriwang ng Pilipinas ang tagumpay ni Carlos Yulo, isa sa pinakamahuhusay na gymnasts sa mundo, hindi lahat ay lubos na nakakaalam ng kwento ng kanyang dating coach na Hapones, si Munehiro Kugimiya—isang kwentong karapat-dapat isapelikula, o higit pa, gawing pelikula ng Studio Ghibli.
Si Munehiro Kugimiya, o mas kilala bilang Coach Mune, ay isang dating gymnast na maagang natapos ang karera dahil sa isang matinding injury. Sa kabila ng pagkakadiskaril ng kanyang mga pangarap, ipinadala siya ng Japanese Gymnastics Association sa Pilipinas noong 2016 upang tuklasin at sanayin ang mga batang gymnast ng bansa. Doon niya nakilala si Carlos Yulo, isang 16 na taong gulang na bata na noon pa man ay nag-uuwi na ng mga medalya mula sa mga lokal na kompetisyon.
Nakita ni Coach Mune ang potensyal ni Carlos na maging isang pandaigdigang kampeon. Ngunit nakita rin niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga pasilidad sa Pilipinas. Alam niyang ang kahusayan ni Carlos ay maaaring masayang kung mananatili ito sa bansa. Kaya’t sa taong 2017, sa kabila ng lahat ng hamon, dinala niya si Carlos sa Japan upang doon mag-aral at mag-ensayo.
Sa Japan, naging mahirap ang kanilang samahan. Ang kanilang komunikasyon ay madalas naputol ng mga hadlang sa wika at pagkatao—si Carlos na likas na mahiyain at si Coach Mune na hindi masyadong sanay sa wikang Ingles o Tagalog. Dagdag pa rito ang kakulangan sa pondo; bagaman scholar si Carlos, si Coach Mune ang nagtiyaga na tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ni Carlos mula sa kanyang simpleng sweldo bilang isang guro.
Sa kabila ng lahat ng ito, nanatili silang matatag. Hindi nila hinayaan ang mga hadlang sa wika, kultura, at pondo na maging balakid sa kanilang pangarap. Si Coach Mune, sa halip na pilitin si Carlos na matutong mag-Hapones, ay sinikap niyang magturo sa batang atleta gamit ang halo-halong Tagalog at Ingles. Sa araw-araw na pagsasanay, tiniyak niyang makuha ni Carlos ang pinakamataas na antas ng pagtuturo sa Japan, kahit pa ito’y nangangahulugang pagkakasyahin ang lahat sa kaunting budget.
Noong 2019, nagbunga ang lahat ng kanilang sakripisyo. Sinorpresa ni Carlos ang mundo ng gymnastics, una sa Southeast Asian Games, at kalaunan ay sa World Championships, kung saan siya naging kampeon. Sa loob ng ilang taon, nag-uwi si Carlos ng 10 gintong medalya at marami pang iba mula sa iba’t ibang pandaigdigang kompetisyon. Ngunit noong 2023, naghiwalay ng landas sina Coach Mune at Carlos dahil sa mga personal na dahilan.
Bagaman naghiwalay na sila ng landas, nananatiling puno ng pasasalamat si Carlos kay Coach Mune—ang taong naniwala sa kanya noong siya’y isang batang nangangarap pa lamang. At sa pamamagitan ng suporta ni Coach Mune at ng mga gymnastics associations ng Pilipinas at Japan, nakapagpatayo sila ng isang world-class training facility sa Pilipinas—isang pamana na layong makahanap ng susunod na Carlos Yulo.
Ang dating gymnast na nawalan ng pagkakataong ipagpatuloy ang kanyang karera ay patuloy na nagpapakita ng isang puso ng ginto—hindi lamang para sa sport, kundi para sa bansang kanyang minahal. Habang-buhay na magpapasalamat ang Pilipinas kay Coach Munehiro Kugimiya.
Arigatou gozaimasu, Coach Mune. ありがとうございます 🫶🏻🇵🇭 🇯🇵