MANILA, Pilipinas — Pinuri ni Senadora Risa Hontiveros ang mga awtoridad sa pagkakahuli ng puganteng televangelist na si Apollo Quiboloy, na ayon sa kanya, “hindi na makakatakas sa batas” at “hindi na maantala pa ang hustisya.”
Naglabas ng pahayag si Hontiveros noong Linggo ng gabi matapos ipahayag ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na nahuli na si Quiboloy ng mga awtoridad.
“Mananagot ka, Apollo Quiboloy. Hindi ka makakatakas sa batas. Hindi mo na maantala pa ang hustisya. Abot-kamay na ng mga victim-survivors ang hustisya, salamat sa kanilang lakas ng loob na magsabi ng katotohanan,” ani Hontiveros.
“Pinupuri namin ang mga ahensya ng ating kapulisan sa kanilang walang sawang pagsisikap at dedikasyon, sa kabila ng mga taktika ni Quiboloy,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Hontiveros na ipagpapatuloy ng Senado ang kanilang imbestigasyon upang wakasan ang pang-aabuso sa mga pinaka-bulnerable sa lipunan.
“Bilang na ang araw ng tulad nilang naghahari-harian, nambabastos sa batas, at nang-aabuso sa kababaihan, kabataan, at kapwa nating Pilipino,” dagdag pa niya.
Mas maaga, inihayag ni Abalos ang pagkakaaresto kay Quiboloy ngunit hindi nagbigay ng karagdagang detalye.
Samantala, sinabi ni Brig. General Nicolas Torre III, hepe ng Police Regional Office 11, na may isang eroplano na dumating sa Davao City, ngunit nilinaw niyang hindi siya sigurado kung ito ay ginamit para sunduin ang pugante.
Dagdag pa niya, inutusan silang palabasin ang siyam na sasakyan mula sa Kingdom of Jesus Christ (KJC) compound matapos dumating ang eroplano.
“Basta namataan natin ang C-130 na nag-landing sa TOG (Tactical Operations Group) 11, pagkatapos may utos sa atin na palabasin ang siyam na sasakyan mula sa hangar papunta sa loob ng paliparan. Pina-guide ng ating AVSEU (Aviation Security Group) unit ang mga sasakyan papunta sa eroplano,” pagbubunyag ni Torre.
Noong Abril 3, naglabas ng arrest order ang isang Davao Regional Trial Court laban kay Quiboloy at sa kanyang limang tauhan.
Nahaharap sila sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7610, o ang Anti-Child Abuse Law, partikular sa probisyon ukol sa sekswal na pang-aabuso sa mga menor de edad at pagmamalupit.
Bukod dito, naglabas din ng warrant of arrest ang isang korte sa Pasig City laban sa tinaguriang “hinirang na anak ng Diyos” para sa qualified human trafficking, isang kasong hindi pinapayagan ang piyansa, noong Abril 11.
Naglabas din ng arrest order para kay Quiboloy ang Senate panel on women, na pinamumunuan ni Hontiveros.