MANILA – Ito ang mensahe ni dating Vice President Leni Robredo sa mga bagong abogado, gayundin sa mga hindi nakapasa sa Bar exam.
Si Robredo, na kinailangan ding kumuha ng Bar exam bago siya maging abogado, ay nagpaalala sa mga bagong abogado na ang kanilang halaga ay hindi nakadepende sa kanilang mga marka sa pagsusulit, o sa kung ilang beses nila itong kinuha.
“‘Yung husay hindi nasusukat sa grado mo sa Bar exam. ‘Yung husay sa pagiging abogado na nasusukat sa kung papaano mo ginamit ang iyong propesyon para makatulong sa pagbibigay ng hustisya at katarungan lalo na sa pinakamaliit nating mga kababayan. ‘Yun naman ‘yung laging sukat,” ibinihagi ni Robredo sa kanyang bagong episode ng kanyang podcast.Mayroon din siyang payo para sa mga bumagsak sa pagsusulit: bigyan ang iyong sarili ng oras.
“Bigyan mo ng oras ang sarili mo. Huwag i-pressure ang sarili na kumuha ulit agad. Nung second time na kumuha ako ng Bar, iba na ‘yung mga batas na inaral ko,” sinabi ni Robredo.
“Kailangan kong mag-aral ulit, pero kinaya,”dagdag niya.
Katulad ng kanyang mensahe sa mga bagong abogado, sinabi ni Robredo sa mga hindi nakapasa sa pagsusulit na ang mahalaga sa huli ay kung paano nila gagamitin ang kanilang propesyon.
“‘Yung kung ilang beses kang kumuha ng Bar, hindi ‘yun ‘yung sukat ng husay mo o hindi husay. Ang sukat talaga ay kung papaano mo ginamit ‘yung propesyon, so sige lang,”sinabi ng dating biseng pangulo.
Ayon kay Robredo, hindi naging mahirap para sa kanya na tanggapin na bumagsak siya sa Bar exams sa unang pagkuha nito, dahil bago pa man lumabas ang resulta ay alam na niyang mahina ang kanyang nagawa.
Kinailangan din niyang harapin ang mga personal na bagay habang naghahanda para sa pagsusulit, na ang isa sa kanyang mga anak na babae ay nagkakasakit.
Sinabi ni Robredo na muli siyang kumuha ng pagsusulit tatlong taon pagkatapos ng una, at kahit na kailangan niyang mag-aral muli, nailapat niya ang mga aralin mula sa unang pagkakataon na naghanda siya para sa Bar.
Inilabas ng Korte Suprema ang resulta ng 2022 Bar Examinations noong nakaraang buwan, kung saan may kabuuang 3,993 examinees ang pumasa.
Nagkaroon ito ng passing rate na 43.47 percent.