MANILA, Philippines — Kinausap ni Bise Presidente Leni Robredo ang kanyang mga tagasuporta noong Martes ng umaga, na tiniyak sa kanila na hindi nasasayang ang kanilang mga pagsisikap, dahil napanatili ng kanyang karibal na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang malaking pangunguna sa karera sa pagkapangulo.
Nasa ibaba ang transkripsyon ng mensahe ni Robredo sa kanyang mga tagasuporta.
Una sa lahat, hayaan niyo akong magpasalamat – sa lahat ng bumoto, sa lahat ng nangumbinsi sa kanilang kapamilya, kaibigan, kakilala, kahit na mga ‘di kakilala sa iba’t-ibang paraan. Sa mga nagtaya ng karera at pangalan sa pagbabahagi ng ating mensahe. Sa milyun-milyong nagtipon sa rally, nag-house-to-house, nagpaskil ng mga tarps, nag-post sa social media, nagsulat, gumawa ng mga video at patalastas, sa mga medic, sa mga kusang naglinis sa ating mga rally, nagpinta at tumugtog at nagpahiram ng boses para mapakita ang lakas ng taumbayang nakatikim ng pag-asa. Hindi kayang sukatin ng numero ang lalim ng pagmamahal ninyo. Maraming-maraming salamat sa inyo.
Alam kong hindi madaling tanggapin sa inyo ang mga numerong lumalabas sa quick count. Hindi lang panghihinayang, kundi malinaw na pagkadismaya ang nararamdaman ng ating hanay. Mulat din ako. Ang pagkadismayang ito, maaring lalong kumulo lalo pa dahil may naulat na irregularities sa halalang ito. Hanggang ngayon, mayroon pang mga taong hindi nabibilang ang boto. Mayroon sa inyong buong araw nang nasa presinto at nananatili doon hanggang ngayon, hinihintay na maipasok ang balota sa mga makina. Kaisa ninyo ako sa paniniwala na kailangan isalamin ng halalan ang buo at wastong tinig ng taumbayan. Mahalagang maging mas matibay ang tiwala ng tao sa proseso ng ating demokrasya. Gagawin natin ang lahat para maabot ang layuning ito.
Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo, alam kong mahal natin ang bansa. Pero hindi ito pwedeng maging ugat pa ng pagkakawatak-watak ng pagmamahal na ito. Bagaman may hindi pa nabibilang, bagaman may mga tanong pa sa eleksyon na ito na kailangan matuldukan, palinaw na ng palinaw ang tinig ng taongbayan. Sa ngalan ng Pilipinas na alam kong mahal na mahal ninyo, kailangan nating pakinggan ang tinig na ito dahil sa huli, iisa lang ang bayang pinagsasaluhan natin.
Sa ngayon, balikan ang lahat ng pinagdaanan natin nitong nakaraang buwan. Napakaraming sandali kung saan pinuno ng hiwaga ang mga puso natin. Noon pa man, alam natin kung gaano kahirap ang labang kahaharapin natin. Nagsimula tayo sa halos wala. Pero unti-unti, dumating ang nagaambagan. Dumami nang dumami ang nagbabayanihan. Dinapuan kayo ng inspirasyon at lumikha ng sining. Dahil sa pagbubukas-palad ninyo, palaging naguumapaw ang pagkain at tubig sa mga pagtitipon natin. Alam kong napakaraming pagkakataong napagod kayo. Pero lagi, nairaos ninyo ang susunod na hakbang.
Ginawa ko ang lahat ng makakaya. Nilampasan ninyo ito nang mas higit pa. Walang dadaig sa kapayapaang dala ng katotohanang ito. Maging panatag sa inyong ambag. May nasimulan tayong hindi kailanman nasaksihan sa buong kasaysayan ng bansa. Isang kampanyang pinamunuan ng taongbayan. Isang kilusang nabuo hindi lang para baklasin ang luma at bulok na sistema. Kundi para magpanday ng totoo at positibong pagbabago. Isinariwa ninyo ang demokrasya hindi lang sa pagboto, kundi sa pagmamahal sa kapwa Pilipino. Napakalaking tagumpay nito at maituturing lang na bigo ang kampanya natin kung hahayaan nating malusaw ang nabuo nating samahan.
“Kaya sinasabi ko sa inyo, walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga, hindi pa tayo tapos. Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas at hindi ito nagsasara kasabay ng mga presinto. May kilusang isinilang at hindi ito papanaw sa pagpagtatapos ng bilangan. Ang namulat, hindi na muli mapipikit. Hindi natin kailanman hahayaang makatulog muli ang pag-asang magising.”
Wala akong planong abandonahin ang mga bagay na habambuhay ko na pinaglalaban. Tuloy ang trabaho ko para iangat ang buhay ng mga nasa laylayan. Tinatawag ko kayo na samahan ako dito at sa iba pang mga laban. Kakailanganin ng bansa ang inyong patuloy na pakikilahok, hindi lang ukol sa anumang kahihinatnan ng bilangan at halalang ito, kundi sa pagsusulong ng katarungan, ng karapatan, ng dignidad ng Pilipino sa mga susunod na panahon.
Tandaan natin, nangyayari ang halalan kada tatlong taon. Sa pagitan nito, asahan ninyo na marami tayong kakailanganing ipaglaban, kaya huwag kayo bibitaw. Panatilihing aktibo ang mga komunidad. Patuloy na tumindig. Igiit ang katotohanan. Matagal binuo ang mga istruktura ng kasinungalingan. May panahon at pagkakataon tayong labanan at baklasin ito. Lalong palawakin ang pusong nabuksan na. Damhin ang dinadaanan ng kapwa natin. Makipasan ng mga dalahin nila. Ituloy ang laban para iangat ang buhay ng lahat. Patuloy tayo magmahal.
Maaring hindi ngayon, hindi bukas o sa makalawa, o sa susunod na taon, pero may liwanag pa ring nag-aabang basta’t dapat tayong magsikap na abutin ito. Wala nang mas lilinaw pang patunay sa naabot natin sa kampanyang ito. Nasa kamay ng karaniwang Pilipino ang tunay na kapangyarihan. Kayo ang totoong namumuno, sumusunod lang ako. Huwag mapagod. Bukas at magpakailanman, magkakasama ang lahat ng Pilipino. Maraming, maraming salamat. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.