Magdaraos ng malaking rally ang Iglesia ni Cristo (INC) bilang suporta kay Bise Presidente Sara Duterte sa gitna ng impeachment case na isinampa laban sa kanya.
Inanunsyo ito sa isang programa ng NET25, ang media arm ng INC, kung saan binigyang-diin ang pagsuporta ng samahan sa paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutol sa impeachment. Ayon kay Marcos, dapat nakatuon ang gobyerno sa pag-unlad ng bansa kaysa sa mga alitan.
“Ang mga kapatid po sa Iglesia ay naghahanda na magsagawa po ng rally,” pahayag ni program host Gen Subardiaga. Dagdag pa niya, “Ang Iglesia ni Cristo ay pabor po sa opinyon ng Pangulong Bongbong Marcos na hindi sumang-ayon sa isinusulong ng ilang sektor na impeachment. Ang Iglesia ni Cristo po ay para sa kapayapaan, ayaw natin sa anumang uri ng kaguluhan na manggagaling sa kanino mang panig.”
Sinabi rin ni Subardiaga na kasalukuyang naghahanda ang INC para sa isang malawakang rally sa buong bansa bilang pagsuporta sa paninindigan ng Pangulo na “no to impeachment” laban kay Duterte.
Sa kasalukuyan, nahaharap si VP Duterte sa dalawang impeachment complaints. Kabilang dito ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, pati na ang sinasabing “banta” laban kay Pangulong Marcos at sa kanyang pamilya.
Kamakailan, isinampa ang unang impeachment complaint ng mga civil society organizations na pinangunahan ni dating Senador Leila de Lima at sinang-ayunan ni Akbayan Party-list Representative Percival Cendaña.
Samantala, ang pangalawang reklamo ay inihain ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc sa House of Representatives, kung saan binanggit ang PHP 612.5 milyon na confidential funds na umano’y ginamit nang mali, na itinuturing nilang “betrayal of public trust.