Kahanga-hanga ang katapangan na ipinamalas ni mamang pulis ng Isabela PPO sa kanyang buong loob at tapang na paghawi ng manibela mula sa driver ng pampasaherong bus na Victory Liner matapos atakihin sa sakit na highblood sa kalagitnaan ng biyahe nito kahapon bandang 6:30 ng umaga sa Brgy. Libag Sur, Tuguegarao City.
Kinilala ang pulis na si PSMS Roland Gacal, Senior PCR PNCO na nakatalaga sa Dinapigue Police Station, 38 anyos, at residente ng Brgy. Ramos West, San Isidro, Isabela.
Ayon sa pakikipagpanayam kay PSMS Gacal, sumakay siya sa nasabing bus galing Santiago City patungong Police Regional Office 2 para sa kanyang Pre-Medical Examination.
Napili niyang umupo sa likod ng upuan ng driver at habang sila ay nasa daan, napansin niya ang driver na nanginginig ang mga kamay at biglang nanigas ang katawan hanggang sa tumingala na at bumubula ang bibig nito.
Agaran ang aksyon ng pulis kung saan kanyang hinawi ang manibela subalit nakaapak parin ang paa ng driver sa silinyador kayat hindi niya maihinto ang sasakyan at hindi rin mahanapan ang handbreak.
Sa takot na makabangga ng mga sasakyan at tao ang sinasakyang bus maging ang pagnanais na mailigtas na rin ang ang sakay nito, minabuti nalang niyang ibangga sa pader ng isang bahay ang naturang bus para makaiwas sa mas madaming pinsala.
Pagkatapos ng pangyayari ay binasag ang harapan ng bus upang makalabas ang mga pasahero kasama ang driver na kasalukuyang inaatake ng sakit na highblood ayon sa alternate driver ng bus.
Ipinagpasalamat naman ng mga pasahero na wala silang natamong kahit anung pinsala sa katawan habang ang naturang driver ay dinala sa Cagayan Valley Medical Center para mabigyan ng medical na atensyon.
———————————–
Source: Pat Sarah Jane B Dela Cruz
PNP PRO2 Isabela PPO