MANILA, Philippines — Matapang na binatikos ni dating Bise Presidente Leni Robredo ang pamahalaan ng Naga City nitong Miyerkules, Oktubre 30, dahil sa umano’y “iresponsableng” paglihis sa mga pagsisikap ng kaniyang non-profit organization, Angat Buhay, sa pamamahagi ng ayuda matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine (international name: Trami).
Sa isang buradong post ng pamahalaang lungsod, inangkin ng LGU Naga na tanging 200 relief packs lamang ang naipamahagi ng Angat Buhay para sa mga nasalanta ng bagyo, habang mas mataas na kontribusyon ang ipinakita mula sa Office of the Vice President, Sen. Ramon Revilla, at Department of Social Welfare and Development.
Iniulat din ng LGU Naga na isang barangay lamang ang naabutan ng tulong ng Angat Buhay sa kabuuang 27 barangay ng lungsod.
Mariing itinanggi ni Robredo ang ulat ng lungsod at sinabing “hindi nito pinapakita ang tamang datos.”
“Araw-araw kami nagsasagawa ng relief operations simula’t sapul, at ang sabihing 200 packs lang ang naipamigay namin sa Naga ay pagyurak sa mga sakripisyo ng bawat tumutulong sa amin,” ani Robredo sa isang social media post, kalakip ang screenshot ng ulat ng lungsod.
Binigyang-diin din ni Robredo ang masinsinang pagkilos ng kanilang volunteer force na may humigit-kumulang 1,200 boluntaryo kada araw sa Naga lamang. Dagdag niya, katuwang nila ang pribadong sektor sa kanilang mga relief operation.
Sinabi pa ni Robredo, sa bahagi ng kanyang post na nakasulat sa Bicolano, na ang kanilang tulong ay naipapaabot sa lahat ng barangay nang walang anumang engrandeng programa. Hinikayat niya ang lokal na pamahalaan na siguruhing tumpak ang datos kapag nag-uulat ukol sa mga aktibidad ng Angat Buhay. “Tanging malinis na pangalan lang ang puhunan namin, kaya’t ito’y pinagtatanggol namin,” aniya.
Samantala, si Raphael Magno, executive director ng Angat Buhay, ay naglabas din ng pahayag laban sa ulat ng LGU Naga. “Ang sabihing 200 packs lamang ang aming naipamigay, kahit na higit pa roon ang aming naibigay kaysa sa lokal na pamahalaan, ay insulto sa mga pagsisikap ng aming mga partner at volunteer,” ani Magno.
Aniya pa, “Sa labas ng Naga, pinapalawig namin ang aming tulong sa iba pang komunidad na nasalanta ng Bagyong Kristine, pinupunan ang mga kakulangan — ganito ang operasyon ng aming Angat Bayanihan Volunteer Network.”
Nag-iwan ng matinding pinsala ang Bagyong Kristine sa lungsod ng Naga at buong Bicol Region noong nakaraang linggo, na nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming komunidad.
Iniulat ng Angat Buhay na nakalikom ito ng P24 milyon sa loob ng apat na araw mula nang buksan ang donation drive. Ang mga donasyon mula sa pribadong sektor, mga opisyal ng publiko, at mga kilalang personalidad ay tinanggap sa kanilang punong-tanggapan sa Museo ng Pag-asa sa Quezon City.