Leni Robredo, Suportado ang Kiko-Bam sa Cavite kickoff

vivapinas12022025_1

vivapinas12022025_1Maiting na sinuportahan ni dating Bise Presidente Leni Robredo ang kandidatura nina dating Senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan sa Kiko-Bam 2025 People’s Campaign Kickoff Rally sa Dasmariñas Arena, Cavite, noong Martes, Pebrero 11.

Sa kanyang talumpati, hinimok ni Robredo ang publiko na ihalal ang mga lider na may prinsipyo, binigyang-diin ang pangangailangan na bigyan si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ng mga kaalyadong magtataguyod ng kapakanan ng taumbayan.

“Mas gagaan ang laban pag meron siyang kasama. Kaya ang susunod na atas para sa ating lahat—bigyan natin si Senator Risa ng mga kaalyado at katuwang—mga kapwa niya matitino at mahuhusay na titindig kasama niya sa lahat ng laban,” ani Robredo.

Pinuri niya si Aquino bilang tagapagtanggol ng libreng edukasyon at seguridad sa trabaho, inalala rin ang papel nito bilang campaign manager niya noong 2016 at 2022. “Ganyan ang senador na kailangan ng taumbayan—mahusay at maasahan,” dagdag niya.

Samantala, binigyang-pugay rin niya si Pangilinan bilang isang lider na inuuna ang seguridad sa pagkain at mabuting pamamahala. Inilahad niya kung paano isinantabi ni Pangilinan ang kanyang sariling ambisyong maging senador noong 2022 upang maging kanyang running mate sa isang laban na walang kasiguruhan ng tagumpay.

“Kung kumandidato siya noon bilang senador, siguradong sigurado na sana. Pero isinantabi niya ang kanyang ambisyon sa isang laban na walang kasigurihan—at ‘yun ang isang pagpapatunay kung gaano kalalim ang pagmamahal sa bayan,” diin ni Robredo.

Hinikayat din niya ang mga boluntaryo na patuloy na ipaglaban ang kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kamalayan, pagbabantay ng boto, at pagpapalakas ng hanay tulad ng ginawa noong 2022.

“Hindi pa tapos ang ating laban. Ang ating pinagdaanan nitong mga nakaraang taon ay isang paalala—mahaba pa ang ating paglalakbay at marami pang puwang para magpatuloy. May pagkakataon tayong gawing mas matibay ang ating hanay para sa mas malaki pang hamon,” ani Robredo.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nag-iwan siya ng isang panawagan para sa pagkakaisa at pag-asa:

“Buong pagpapakumbaba at pakikipag-usap, muli nating gisingin ang lakas ng nagkakaisang taumbayan. Muli nating ipaglaban ang Pilipinas ng ating mga pangarap. Tara na! Ipanalo na natin, Senator Bam Aquino at Senator Kiko Pangilinan!”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *