MANILA, Philippines — Napabalitang pansamantalang huminto sa pagpapalabas ng ilang programa ang bagong ALLTV network.
Sa ulat ng VivaPinas.com, sinabi nitong nakausap na ng network na gumagamit ng frequency na dati nang nakatalaga sa ABS-CBN ang mga talento nito hinggil sa planong pansamantalang ihinto sa mga palabas nito.
Kasama sa station-produced shows ng ALLTV ang game show ni Willie Revillame na “Wowowin,” ang talk show ni Toni Gonzaga na “Toni” at ang morning show na “M.O.M” (Mhies On a Mission) na hino-host nina Mariel Rodriguez, Ruffa Gutierrez at Ciara Sotto. Inihayag ang lahat sa kanilang soft launch noong Set. 13, 2022.
Ayon sa ulat, na-inform na ang mga talents at last taping day na ng isa sa mga show ng istasyon.
Idinagdag nito na babayaran pa rin ng management ang talent fee na nakasaad sa kani-kanilang kontrata.
Wala pang opisyal na pahayag ang All Media Broadcasting System (AMBS) tungkol sa ulat na ito.
Ang AMBS ay pag-aari ni dating Senate president at negosyanteng si Manny Villar. Iginawad ng National Telecommunications Commission ang AMBS noong Enero 2022 ng pansamantalang awtoridad na patakbuhin ang digital channel 16 at analog channel 2 na dating nakatalaga sa ABS-CBN.