Nanguna ang NU Pep Squad sa UAAP Cheerdance Competition Season 87, ginanap sa Mall of Asia Arena nitong Linggo, matapos magpakita ng isang kamangha-manghang performance na may temang “out of this world.”
Bilang kampeon, hindi lamang ang titulo ang kanilang nakuha, kundi pati ang lahat ng walong special awards ng kompetisyon, na nagbigay sa kanila ng Php 140,000 mula sa iba’t ibang sponsors. Tumanggap din ang koponan ng mga smartwatches at Php 40,000 na gift certificates mula sa isang lokal na fast-food chain.
Bukod dito, nagbigay ang UAAP ng Php 50,000, at isang donut chain ang nagbigay ng karagdagang Php 50,000, kaya’t umabot sa Php 240,000 ang kabuuang premyo ng NU.
Ayon kay NU head coach Gabby Bajacan, hindi nila inaasahan ang kanilang tagumpay. “Sobrang hindi po namin in-expect. Siguro masyado lang kaming hard sa sarili namin. The whole competitors, sobrang nag-step up lahat sila,” pahayag ni Bajacan.
Ang tagumpay ng NU Pep Squad ay nagbigay-diin sa kanilang dominasyon sa UAAP Cheerdance Competition, at ngayon ay katabla nila ang UP at UST sa pinakamaraming titulong naipanalo, bawat isa ay may walong titulo.
Ang pagkapanalo ng NU ay nagpapatibay sa kanilang legacy bilang isa sa pinakamahuhusay na koponan sa kasaysayan ng UAAP Cheerdance Competition.