Graduate na sa college si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Business Administration Major in Management sa De La Salle-College of St. Benilde.
Ibinahagi ni Hidilyn ang panibagong milestone sa kanyang buhay sa kanyang Facebook account noong July 22, 2023.
Nag-post din siya ng kanyang graduation photos.
Ani Hidilyn sa kanyang caption, “Nakakaiyak din pala. Not an ordinary day.”
Nagbigay siya ng ilang detalye sa kanyang naging college journey.
“Inabot din ng 16 years, nag-shift ng courses, nag-transfer ng school, nag-LOA [leave of absence] dahil ang hirap pagsabayin ang pagwe-weightlifting at pag-aaral.”
Ani Hidilyn, pinangarap talaga niyang makatapos ng kolehiyo, at maging degree holder habang naghahanda para sa Olympics.
“Hindi ko akalain na magagawa ko, after sleepless nights and tiring days from training while attending school at De La Salle-College of St. Benilde.”
Kaya paalala ni Hidilyn, “Posible pala. Kung nakaya ko, kaya ng mga student-athletes, at mga bata at sa lahat na gusto makapagtapos.
“Age doesn’t matter, mahirap pero super worth it.”
Sambit pa niya sa kanyang post, “I never imagined reaching this point. But here I stand.”
Ang huli niyang linya ay nilagyan ni Hidilyn ng emoji ng graduate at weightlifter.
Nag-congratulate naman sa kanya ang netizens.
Sa kasalukuyan ay naghahanda na si Hidilyn sa pagsabak sa 2024 Paris Olympics.