Isinailalim sa Signal No. 1 ang Batanes at ilang bahagi ng Cagayan at Isabela dahil bahagyang lumakas ang Tropical Depression Neneng habang kumikilos pakanluran timog-kanluran sa ibabaw ng Philippine Sea.
Ayon sa 5 p.m. severe weather bulletin, sinabi ng PAGASA na ang sentro ng Neneng ay tinatayang nasa 795 km Silangan ng Calayan, Cagayan (18.7°N, 129.0°E).
Ang tropical depression ay mayroong maximum sustained winds na 55 km/h malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 70 km/h, at central pressure na 998 hPa.
Ang kasalukuyang paggalaw ni Neneng ay nasa kanluran timog-kanluran sa bilis na 10 km/h, ayon sa PAGASA.
Ang mga sumusunod na lugar ay inilagay sa ilalim ng Signal No. 1:
Batanes
Cagayan kasama ang Babuyan Islands, ang silangang bahagi ng Apayao (Luna, Santa Marcela, Flora, Pudtol)
ang hilagang bahagi ng Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon)
Sinabi ng PAGASA na mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan ang iiral sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, at Ilocos Norte sa Sabado ng umaga hanggang hapon.
Katamtaman hanggang sa malakas na kung minsan ay matinding pag-ulan ang mararanasan sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, Abra, Kalinga, Ilocos Norte, at Ilocos Sur sa Sabado ng hapon hanggang Linggo ng hapon.
Samantala, mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan ang iiral sa Isabela at sa nalalabing bahagi ng Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.