MANILA, PHILIPPINES — Tila nagpakita ng kawalan ng malasakit ang administrasyong Marcos Jr. sa mga atletang Pilipino matapos nitong bawasan ng P431 milyon ang sports budget para sa 2025, isang taon na may mahalagang kompetisyon tulad ng Southeast Asian (SEA) Games. Ang naturang hakbang ay umani ng matinding batikos mula sa iba’t ibang sektor, lalo na kay Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) President Luke Espiritu.
Ayon kay Espiritu, habang tinatapyas ang pondo para sa pagsasanay at paghahanda ng mga atletang Pilipino, tila inuuna naman ng administrasyon ang mga bagay na hindi direktang makikinabang ang mamamayan. Halimbawa, dinagdagan ang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng Presidential Confidential and Intelligence Funds. Ang NTF-ELCAC ay nakatanggap ng karagdagang P8 bilyon, habang ang Presidential Confidential and Intelligence Funds ay nadagdagan ng P4 bilyon.
“Mas inuuna pa ng administrasyon ang paggawa ng mga balita tungkol sa pribadong buhay ni Carlos Yulo kaysa isiwalat ang katotohanang tinapyasan ni Marcos ang sports budget ng P431 milyon sa taon kung kailan idaraos ang SEA Games,” ayon kay Espiritu sa kanyang Facebook post.
Sa gitna ng kontrobersiyang ito, patuloy pa rin ang pamahalaan sa pagtutulak ng Maharlika Investment Funds, na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na pupuntahan ang panimulang puhunan na P75 bilyon.
Dagdag pa ni Espiritu, may plano rin ang administrasyon na ideklarang “unprogrammed” o walang paggagamitan ang P90 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“At ang mas nakakapag-init ng ulo, ang pahayag ng mga opisyal ng gobyerno na sapat na ang P64 para sa pagkain ng isang tao sa loob ng isang araw,” ani Espiritu.
“Pinupurol ang isip ng publiko sa mga walang kabuluhang balita habang hindi tinatalakay ang mismanagement ng gobyernong ito sa pera ng bayan. Ang mga magnanakaw gaya nina Marcos at Duterte ang nagtatagumpay sa ganitong sistema ng impormasyon,” dagdag pa ng labor leader.
Malinaw, ayon kay Espiritu, na peke ang malasakit na ipinapakita ng administrasyong Marcos Jr. sa mga atletang Pilipino. Sa kabila ng kanilang mga pahayag na sinusuportahan nila ang sports, ang mga aktwal na hakbang ng gobyerno ay taliwas dito, na nagbubunsod ng pangamba sa kinabukasan ng mga atletang Pinoy at ng bansa sa internasyonal na kompetisyon.