PANOORIN: ‘Tawag ng Tanghalan’ alumnus Sofronio Vasquez, umarangkada sa ‘The Voice USA’ finale!

vivapinas11122024_1

vivapinas11122024_1Ginawang proud ni Sofronio Vasquez, dating kalahok ng “Tawag ng Tanghalan,” ang kanyang mga kapwa Pilipino matapos makapasok bilang isa sa mga finalista ng prestihiyosong singing competition na “The Voice USA.” Sa kanyang makapangyarihang mga performances, naantig ang puso ng manonood at hurado, na nagdala sa kanya sa grand finals.

Sa huling round ng kompetisyon, nagpakitang-gilas si Vasquez sa kanyang rendisyon ng dalawang sikat na awitin—ang “Unstoppable” ni Sia at “A Million Dreams” mula sa pelikulang “The Greatest Showman.” Ang kanyang emosyonal na interpretasyon at kahanga-hangang boses ay naghatid ng standing ovation mula sa mga manonood at hurado.

Bukod kay Vasquez, kasama rin sa Top 5 sina Danny Joseph, Jeremy Beloate, Shye, at Sydney Sterlace. Ang magiging grand champion ng “The Voice USA” ay dedepende sa online votes ng publiko. Ang magwawagi ay tatanggap ng $100,000 na premyo at isang recording contract—isang malaking hakbang para sa sinumang mang-aawit.

Hindi lingid sa marami na nagsimula ang tagumpay ni Vasquez sa “The Voice USA” sa isang matindi at makasaysayang blind audition. Sa kanyang unang performance, nakuha niya ang lahat ng hurado na magbigay ng kanilang four-chair turn, kasabay ang standing ovation. Mula roon, pinili niyang sumama sa team ng sikat na Canadian singer na si Michael Bublé.

Sa bawat round ng kompetisyon, ipinamalas ni Vasquez ang kanyang lalim bilang isang mang-aawit. Ang mentorship ni Bublé ay nagbunga ng walang kapantay na mga performances na nagdala sa kanya sa grand finals. Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Bublé ang kanyang pananaw sa posibilidad na gumawa ng kasaysayan si Vasquez.

“I realized that if tomorrow Sofronio wins, he will be the first Asian to ever win this kind of singing competition in America,” ani Bublé. Dagdag pa niya, “So he’s not just singing for Filipinos, he’s singing for Malaysians, Indonesians, for Chinese.”

Bagamat isinilang at lumaki si Vasquez sa Pilipinas, lumipat siya sa Estados Unidos noong 2022 upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa dentistry. Gayunpaman, natagpuan niya ang landas pabalik sa musika, na ngayon ay nagdadala sa kanya sa rurok ng kanyang mga pangarap.

Habang hinihintay ang opisyal na resulta ng botohan, nananatiling positibo ang mga tagasuporta ni Vasquez mula sa Pilipinas at iba’t ibang panig ng mundo. Siya ay hindi lamang kumakatawan sa bansa kundi sa buong Asya, isang inspirasyon para sa maraming nangangarap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *