MILAN – Tagumpay na nasungkit ni Rolando Espina ang ikalawang pwesto sa kategoryang male at ikatlong pwesto sa kabuuang karera sa loob ng 36 oras at 40 minuto, habang si Bren Kevin Cabasa naman ay nakamit ang ikatlong pwesto sa kategoryang male at ikaapat sa kabuuang karera matapos ang 39 oras at 8 minuto sa ika-12 edisyon ng Ultra Milano-Sanremo noong April 12, 2024.
Nakuha rin ng sina Lachlan McDonald (35:47:00 h) at Zsuzsanna Maraz (35:54:00 h) ang unang pwesto sa kategoryang male at female.
Ang Ultra Milano-Sanremo ay isang ultramarathon running race na may habang 285 km mula Milan hanggang Sanremo.
Ang UMS285 ay itinuturing na pinakamahabang single-stage road ultramarathon sa Italya. Kinakailangan ng mahigit 60 kalahok na dumaan sa tatlong rehiyon ng Italya at 54 na komunidad at tapusin ang maratona sa loob ng 48 oras.
Pinatunayan nina Espina at Cabasa ang kanilang husay, lakas, at determinasyon sa pagharap sa mga world-class na mananakbo mula sa iba’t ibang bansa.
Ang kanilang tagumpay ay hindi lamang nagbibigay inspirasyon sa komunidad ng mga Pinoy runners kundi nagpapakita rin ng positibong impluwensya sa ibang atleta, lalo na sa larangan ng ultramarathon.
Sa kabila ng mga hamon, patuloy na ipinagmamalaki ni Espina ang kanyang pagiging Pilipino sa bawat paglahok sa mga maratona.
Samantala, bagamat hindi inaasahan, labis ang kagalakan ni Cabasa sa kanyang tagumpay sa kanyang unang paglahok sa UMS285.
Ang kanilang mga tagumpay ay hindi lamang nagpapakita ng galing ng mga Pinoy sa ultramarathon kundi pati na rin ang patuloy na pag-usbong ng kanilang presensya sa internasyonal na larangan ng palakasan.