Nasasaktan at nagagalit ang komedyanteng si Pokwang matapos mawalan ng libo-libong piso sa kanyang GCash account dahil umano sa mga di-awtorisadong transaksyon nitong Sabado. Sa Instagram, ibinahagi niya ang mga screenshot na nagpapakita ng kanyang pera na napunta sa halos 30 hindi rehistradong numero.
“Naghahanap-buhay po ako ng marangal, nagbibigay po ako ng hanapbuhay sa mga single mom. Tapos isang umaga, paggising mo, simot ang laman ng GCash account??” ani Pokwang.
Dagdag pa niya, “Nakakaiyak. Binangon ko mag-isa ang negosyong pinabayaan ng taong inasahan ko at pinagkatiwalaan ko. Pati ba naman dito, naisahan parin ako?” Mukhang pinapatungkol niya ito sa dating partner na si Lee O’Brian, na dati niyang kaagapay sa negosyo.
Isa lamang si Pokwang sa maraming netizens na naglabas ng hinaing online.
Sa isang pahayag, sinabi ng GCash na tinutugunan na nila ang mga apektadong account at nagsasagawa ng “wallet adjustments.” Paliwanag nila, nangyari ito dahil sa mga pagkakamali sa isang “system reconciliation process” at “isolated” o limitado lamang sa ilang user. Tiniyak ng GCash sa kanilang mga customer na ligtas ang kanilang mga account.
Humingi rin ng impormasyon ang GMA News Online sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group hinggil sa insidenteng ito.
Matatandaang si Pokwang at ang dating nobyo niyang si Lee ay nagkaroon noon ng negosyong PokLee Cooking, subalit naghiwalay sila dahil sa isyu sa pera at negosyo. Nitong Oktubre, inilunsad ni Pokwang ang bago niyang negosyo, ang Mamang Pokwang’s Gourmet.