Isabela – Problema sa disenyo ang nakikitang dahilan ng pagbagsak ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos niyang personal na inspeksyunin ang naturang tulay.
Ayon sa Pangulo, ang orihinal na pondo ng proyekto ay nasa ₱1.8 bilyon, ngunit ito ay nabawasan at umabot na lamang sa ₱1 bilyon. Ang tulay na bumagsak ay isang mahalagang koneksyon para sa mga bayan ng Cabagan at Santa Maria, maging sa mga karatig-lugar tulad ng Enrile, Cagayan, at Tabuk City, Kalinga. Malaki ang epekto ng insidente sa transportasyon at ekonomiya ng rehiyon.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ang tunay na sanhi ng pagbagsak ng tulay at kung sino ang dapat managot. Pinag-aaralan din kung may pagkukulang sa disenyo, konstruksyon, o sa pagbabawas ng pondo na maaaring nakaapekto sa kalidad ng proyekto.
Patuloy ang monitoring ng gobyerno at DPWH sa sitwasyon habang inihahanda ang mga susunod na hakbang para sa agarang solusyon at pagpapalit ng nasirang tulay.