MANILA, PILIPINAS – Sa kabila ng kanyang pagkaka-abswelto sa kasong graft at malversation, hindi pa rin makakalaya si Janet Napoles! Patuloy siyang magsisilbi ng kanyang sentensiya sa iba pang mga kasong kinakaharap, kabilang ang plunder at iba pang mga kaso ng katiwalian.
Noong Miyerkules, Setyembre 18, ipinawalang-sala ng Sandiganbayan si Napoles at mga dating opisyal ng National Livelihood Development Council (NLDC) sa mga kasong graft at malversation na may kaugnayan sa kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam. Ang naturang desisyon, na may 98 pahina, ay nagsabing kulang ang ebidensiya ng prosekusyon upang idiin si Napoles, NLDC president Gondelina Amata, at NLDC assets management division chief Gregorio Buenaventura.
Sila ay inakusahan ng paglustay ng P5 milyong pork barrel ni dating La Union congressman Victor Francisco Ortega, na napunta umano sa pekeng NGO na Social Development Program for Farmers Foundation Incorporated (SDPFFI), na konektado kay Napoles.
Ayon sa prosekusyon, ang pondo ng pork barrel ni Ortega ay inilabas ng NLDC, isang GOCC, at na-wire transfer sa SDPFFI. Sa halip na mapunta sa mga programang pangkabuhayan ng distrito ni Ortega, napunta umano ang pera sa bulsa nina Napoles at mga opisyal ng NLDC.
Bagaman abswelto sa kasong ito, nananatili si Napoles sa Correctional Institution for Women dahil sa kanyang naunang mga hatol ng plunder, graft, malversation, at korapsyon ng mga opisyal.