MANILA, Philippines – Sa kabila ng hamon sa kanyang kalusugan, nananatiling matatag ang pananampalataya ng mga Katoliko sa buong mundo, lalo na sa Pilipinas, habang patuloy ang panalangin para sa paggaling ni Pope Francis.
Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa lahat ng parokya at pamayanang Katoliko na mag-alay ng espesyal na panalangin para sa Santo Papa, kasunod ng apela ng Apostolic Nuncio sa Pilipinas, Archbishop Charles Brown.
“Inaanyayahan ko ang ating mga parokya at pamayanan na magsagawa ng sama-samang panalangin para sa kalusugan ni Pope Francis, gaya ng Holy Hour for the Healing of the Sick. Maging sa ating mga personal at pampamilyang panalangin, isama natin ang kanyang kagalingan,” ayon kay Advincula.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, patuloy ang pagmamalasakit ng Santo Papa sa Simbahan at sa buong mundo. Buo rin ang suporta ng mga Katoliko sa pamamagitan ng sama-samang panalangin, pinagtitibay ang pananampalatayang nagpapagaling at nagbibigay pag-asa.