MAYNILA – Pumanaw na nitong Sabado nang umaga ang palaboy na nag-viral sa social media noong Abril, ayon sa pamilya nito.
Nag-viral si Melanie Dubos matapos niyang akapin ang ABS-CBN reporter sa live report nito.
Ayon sa kapatid ni Melanie na si Mona, ipinaalam ito sa kanila ng psychiatric hospital kung saan siya naka-confine para sa kanyang mental health treatment.
Kinumpirma rin ni Peachy Lacabo ng Muntinlupa Social Services Department ang balita.
Nang mag-viral ang report, matatandaang dinala sa naturang ospital si Melanie Dubos matapos niyang makasama muli ang kanyang pamilya, na matagal na pala siyang hinahanap.
Inaantay pa ng pamilya ang iba pang detalye tungkol sa kanyang pagkamatay. Hindi pa makumpirma ng National Center for Mental Health, kung saan na-confine si Melanie, at ang ang sanhi ng kaniyang pagpanaw.
Ayon kay Lacabo, hinihintay pa ang resulta ng swab test ni Melanie bago i-release ang mga labi nito.
“Hindi na po tayo nakakuha ng iba pang information kasi nga po yung nagbigay lang po satin ng information is the doctor lang po siya sa sakit pero not the psychiatrist. Eh nung tinatawagan po natin eh hindi po talaga natin siya natatagpuan palagi pong nasa meeting,” ani Lacabo.
Matindi naman ang pagdadalamhati ng ina ni Melanie na si Aida Dubos, na lumuwas pa-Maynila mula Sultan Kudarat para bisitahin siya sa ospital.
“Grabe sobrang nanginginig talaga ang katawan ko, buong katawan ko nanginginig talaga. Hindi ko alam anong gagawin ko ma’am. Sobrang sakit po. Ni hindi ko man lang siya nakita ng personal,” ani Dubos.
“Nag-effort kami ng anak niya papunta sana diyan makita man lang namin pero bigo man kami. Kaya sana ang gusto ko man lang sana noon, makausap at makita at malaman niya rin na nagpunta kami diyan para sakanya. Gusto ko po sanang malaman bakit namatay siya,” dagdag niya.
Ngayon, umaasa sana siya na dalhin ang mga labi ni Melanie sa Mindanao para mabigyan ng maayos na libing, pero hindi aniya niya alam kung paano ito mapopondohan.
Dahil dito, umaapela siya ng tulong.
“Nanghihingi po ako ng tulong kung sino yung mabuting ano ho na tulungan yung anak ko na sana makauwi dito sa Mindanao. Kasi kahit labi na lamang niya yung makita namin po. Nagpapasalamat po ako inyong lahat na nakuha siya pero ang pinakamasakit andyan na po siya sa ospital – bakit ba siya namatay agad? Hindi namin siya nakita.”
Plano ng pamilya ni Melanie na ilipat ang kaniyang mga labi sa isang funeral home sa Linggo.