Translated to Filipino by Rody Vera Directed & Edited by Chuck Gutierrez
Kinalulungkot ko, pero ayoko maging diktador. Hindi iyan ang gusto ko. Ayokong mamuno o manakop ng kahit sino. Gusto kong tulungan ang bawa’t isa, kung kailangan. Gusto nating tulungan ang isa’t isa, pagka’t ganoon ang tao. Gusto nating mabuhay sa ligaya ng bawa’t isa, hindi sa pagdurusa ng iba. Ayaw nating kapootan o kamuhian ang sinuman at may lugar ang daigdig para sa lahat, at sagana ang butihing mundo at kaya nitong maglaan para sa lahat. Ang buhay ay maaaring maging malaya at maganda, pero tayo’y naligaw ng landas. Kasakiman ang naglason sa kaluluwa ng mga tao, binakuran nito ng poot ang daigdig, at pinagmartsa tayo patungo sa pagdurusa’t pagdanak ng dugo. Napabilis natin ang lahat, pero ikinulong natin ang mga sarili Ang makinaryang nagdulot ng kasaganaa’y iniwan tayong laging nagangailangan. Sa karunungan natin, wala na tayong pinaniniwalaan. Sa katalinuhan natin, tayo’y naging walang-awa’t malupit . Labis tayong mag-isip, na halos nawala na ang ating damdamin. Higit sa makinarya, kailangan nati’y pagkatao. Higit sa katalinuhan, kailangan natin ng kagandahang-loob at kabutihan. Pag wala tayo nito, magiging marahas ang buhay, at guguho ang lahat. Pinaglapit na tayo ng teknolohiya. Ang mga imbensyong iya’y nananawagan sa kabaitan ng tao. Nananawagan para sa pangdaigdigang kapatiran para sa pagkakaisa nating lahat. Ngayon, maaari akong marinig ng milyong tao sa buong daigdig – milyong lalaki, babae, kabataang nawalan ng pag-asa, mga biktima ng sistemang umuudyok sa ilang hayop na pahirapan at ikulong ang mga inosente. Sa lahat ng nakikinig sa akin, sinasabi ko, huwag kayong mawalan ng pag-asa. Ang pagdurusang laganap ngayon ay dulot ng kasakiman – kapaitan ng ilang takót sa pag-unlad ng sangkatauhan. Ang kapootan nila’y lilipas din, at papanaw ang mga diktador, at ang kapangyarihang inagaw nila sa mga tao’y babalik sa mga tao. Sa kabila ng kamatayan ng marami, hindi maglalaho ang kalayaan. Mga kababayan! Huwag kayong bumigay sa mga hayop – mga taong namumuhi sa inyo – umaalipin sa inyo – hawak ang inyong leeg – nag-uutos sa inyo – kung anong dapat isipin at damhin! Silang nagsasanay sa inyo – nagpapakain sa inyo – turing sa inyo’y mga masunuring tupa, ay gagamitin lamang kayong bala sa kanyon. Huwag kayong bumigay sa mga tiwaling ito – mga taong makina ang utak at puso. Hindi kayo mga makina! Hindi kayo mga hayop! Kayo’y mga tao! Ang pag-ibig ng sangkatauhan ay nasa puso niyo! Hindi kayo sadyang mapoot. Silang walang nagmahal ang sadyang ganoon – silang hindi minahal at mga tiwali. Mga kababayan! Huwag niyong ipaglaban ang pagkaalipin Ipaglaban niyo ang kalayaan! Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihan – Kapangyarihang lumikha ng kaligayahan! Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihang gawing malaya at maganda ang buhay. Sa ngalan ng demokrasya – gamitin natin ang kapangyarihang iyan – magkaisa tayo. Ipaglaban natin ang isang bagong daigdig, isang mundong mapitagan na magbibigay ng pagkakataong magtrabaho ang mga tao, na magbibigay ng kinabukasan sa kabataan, at kasiguruhan sa nakatatanda. Nangako rin ng ganito ang mga gago na nangamkam ng kapangyarihan. Pero mga sinungaling sila! Hindi nila tinupad ang pangakong iyan at hindi tutuparin kailanman! Pinalalaya ng mga diktador ang kanilang mga sarili habang inaalipin nila ang taumbayan! Ngayon, ipaglaban natin at tuparin ang pangakong iyan! Lumaban tayo’t palayain ang daigdig, iwaksi ang kasakiman, ang poot, at kawalan ng pag-unawa. Ipaglaban natin ang isang daigdig na nakasandig sa katuwiran, kung saan ang siyensya at pag-unlad ay tuon sa kaligayahan ng mga tao. Mga kababayan, sa ngalan ng demokrasya, magkaisa tayo!
(In order of appearance) John Lloyd Cruz – Actor Maria Lourdes Sereno- Former Chief Justice Neri Colmenares – Lawmaker Janine Gutierrez – Actress Baby Ruth Villarama – Documentary Filmmaker Carlitos Sigeon Reyna and Bibeth Orteza – Storytellers Lav Diaz – Auteur Inday Espina-Varona – Journalist Chito Gascon – Commission on Human Rights Chairman Nanding Josef – Cultural Worker Chel Diokno – Lawyer Lotlot De Leon – Actress Maria Ressa – Journalist Bituin Escalante – Singer Mae Diane Azores – Bar topnotcher Nanette Castillo – EJK Mom Carlos Zarate – Partylist Representative Ted Te – Lawyer Samira Gutoc – Moro Civic Leader Risa Hontiveros – Senator Joel Lamangan – Director Carol Araullo – Social Activist Randy David – Professor Mae Paner – Performance Activist Eufemia Culiamat – IP Representative Charlie Yu – Businessman BenCab – National Artist Kit Belmonte – Congressman Leody De Guzman – Labor leader Joel Pablo Salud – Print Editor Mareng Winnie Monsod – Economist Br. Dodo Fernandez – Brother Queenmelo Esguerra – Gender Equality Activist Sister Mary John Mananzan – Nun Francis Pangilinan – Senator Jasmine Curtis Smith – Actress Agot Isidro – Actress Iza Calzado – Actress Glaiza De Castro – ActressSHOW LESS