[Mensahe ng Pangalawang Pangulo sa Araw ng Kalayaan]
Ngayong taon, ipinagdiriwang natin ang ating kalayaan sa harap ng pandemya. May irony ito: Pinagninilayan natin ang konseptong ito, at ginugunita ang lahat ng dinaanan ng ating lahi para makamit ito, habang puwersadong manatili sa ating mga tahanan upang pangalagaan ang ating kalusugan.
Pagkakataon siguro itong balikan ang tunay na diwa ng kalayaan. Ano nga ba ang ibig sabihin nito? Kalayaan ba itong gawin ang kahit na anong gusto? Kalayaan ba itong maging makasarili? O may iba bang antas ng pag-unawa sa kalayaan?
Sa mga nakikita natin sa mundo ngayon—sa harap ng pandemya, ng mga banta sa karapatan at kalayaan, sa pag-alab ng mga damdamin laban sa paniniil at pagbalewala sa dignidad ng indibiduwal o lahi—siguro nagiging malinaw na rin sa mas nakararami: Magkakarugtong ang kalayaan ng lahat. Walang kalayaan ang isa kung walang kalayaan ang lahat—dahil ang sistemang sisiguro nito ay gagana lamang kung lahat ay ituturing nang patas at makatao: Patas ang dignidad, patas ang mga karapatan, pare-parehong may kalayaan.
Samakatuwid: Tumatawid sa sarili ang diwa ng kalayaan. Laging papalabas ang kilos nito. Ang tunay na kalayaan ay kalayaan para sa kapwa. At sa mga pagkakataong may banta sa kalayaan ng isa, kailangang lahat tayo pumalag, dahil ang tunay na binabantaan ay ang kalayaan ng lahat.
Ito nga siguro ang mensahe ko ngayong Araw ng Kalayaan sa panahon ng pandemya. Kung gusto natin ng pansariling kalayaan mula sa sakit at panganib, kailangang siguruhin ito para sa lahat—dahil kung hindi, magkakahawahan lang tayo. Kung gusto natin ng pansariling kalayaan para umunlad o umangat sa buhay, kailangang gawing patas ang buong sistema—dahil dumadaloy ang enerhiyang ekonomiko sa lahat: Mula sa daily-wage earner na empleyado, hanggang sa nagbebenta ng gulay sa kanto, hanggang sa pinakamalalaking negosyo; mula laylayan hanggang sentro. Kung gusto natin ng pansariling kalayaan para maghayag ng saloobin, kailangan ding siguruhin ito para sa lahat—dahil ang mga istrukturang panlipunang maaaring sumiil sa kalayaan ng iba ay maaari ring ituon para siilin ka.
Sa tingin ko, ito mismo ang naghimok sa mga bayani nating ipaglaban ang kalayaan noong panahong kolonya tayo ng mga Kastila. Alalahanin natin na ang mga kaisipang naglunsad ng rebolusyon ay nagbukal sa mga kaisipan ng Enlightenment: Patas na karapatan, dignidad, at kalayaan ng indibiduwal na maabot ang kanilang adhikain. Patuloy sana nating pagsikapang isadiwa ang mga kaisipang ito.
Sa susunod na taon, marahil mas malaya na tayong makapagtitipon para ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan. Marahil, muli, matitingala na natin ang bandila habang katabi ang isa’t isa. Umaasa ako na sa panahong iyon ay hindi mababaon sa limot ang mga aral ng pandemyang ito. Na hindi tayo babalik lamang sa nakasanayan, na hindi “back to normal” ang magiging pundasyon ng ating pamumuhay. Bagkus, susulong tayo sa isang bagong mundo nang buong-loob at bukas-palad na tumutugon sa panawagan ng kalayaan, karapatan, at dignidad, para sa lahat. Haharap tayo sa bagong bukas nang kinikilala ang malalim at di-maisasantabing pagkakabigkis natin bilang Pilipino.
Maligayang Araw ng Kalayaan sa lahat. Mabuhay ang duyan ng magigiting. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.